June 22, 2008

Tinik sa Lalamunan

Tatlong Buwan na ang nakakalipas at di ko pa rin maalis sa isipan ang pagbisita namin kay Hannah. Alas Tres ng hapon noong sinamahan ako ni Christina sa lugar na binigay sa amin ng lalaking sumagot ng telepono. Medyo nagtatampo pa siya dahil hindi ko siya sinamahang gumala sa mga lugar na dinadayo. Sabi ko sa kanya “Wala ka namang dapat paghinayangan, baka sumakit lang ang paa mo sa kakalakad”. Hindi ko rin masabi sa kanya dahil nahihiya ako na ako ay nagtitipid ng lubos at ayaw ko ring samantalahin ang kabaitan niya dahil pagkatapos ng konting tampo, pumayag agad siya sa gusto kong puntahan. Kapag nagpupunta kami sa mga lugar na gusto niya, katulad dati, napipilitan talaga akong gumastos ng malaki para lang mabaryahan ang perang buo.

Isang binatang nakasalamin ang nagbukas ng aming pintuan. Nang magtanong tanong ako, siya raw ay pinsan ni Hannah at nasa simbahan daw si Hannah para samahan ang Tiyahin niya. Nilakad naman namin ni Tina ang simbahan at doon ko muling nakita si Hannah na naglalakad palabas ng simbahan. Lumulundag ang aking puso sa galak ngunit may kaunting kaba at lungkot na kahalo. “Tinatrato kaya siya ng tama ng kanyang boyfriend? Sana hindi siya galit sa pagpunta ko dito” ang sabi ko sa isip ko.

“Nagpupunta ka pa rin ba dito?” Yan ang unang tanong ko sa kanya. “Ha?” ang pagulat niyang reaksyon sa akin. Sa aking buong akala ay napansin niya akong naglalakad palapit sa likod niya.

Mahinahon niyang sinabing, “Anton ikaw pala ‘yan.”

Hindi ko maintindihan kung bakit magkahalong lungkot at pagkasabik ang nababasa ko sa kanyang mukha noong ako ay makita niya. Napakapayat na ng kanyang mukha, halos nawala ang dating mataba niyang pisngi at parang lumalim ang kanyang mga mata.

Ako: “Ang tagal nating hindi nagkita ano? May bago ka bang tanim dito? Di ko kasi napansin ang tinanim mong bulaklak nung madalas pa tayo dito.”

Hannah: “Noong umalis ka para tumira sa Maynila, nagkusa akong tumulong sa paglagay ng iba sa mga bulaklak dito sa hardin ng simbahan pero ngayon iba na ang tinanim nila. Ngayon na lang ako ulit bumalik dito. May kasama ka? May girlfriend ka na ba? Kamusta ka na pala?”

Yan ang sabi niya sa akin. Dito kasi kami madalas dati kapag hindi kami gumagala kung saan saan. Mahilig siya sa mga bulaklak. Napatingin rin siya sa akin at kay Tina dahil sinusulyapan ko si Tina habang tumitingin siya sa mga nakapaskil sa bulletin board.

Ako: “Heto, mahirap ang buhay pero pinipilit kayanin. Kaibigan ko siya, si Tina, tumutulong siya sa akin sa Maynila kaya sinama ko siya dito para umabot naman siya sa ibang lugar, magastos nga lang sa pamasahe. Pakilala kita mamaya sa kanya. Wala pa akong girlfriend. Ikaw kamusta na yung boyfriend mo, Seaman siya di ba?”

Yan natanong ko na rin sa kanya. Naghihintay ako ng sagot niya dahil bigla siyang tumahimik habang tinanong ko ito sa kanya. Sana walang nangyaring masama na ayaw kong marinig. Sana hindi siya nangayayat dahil dito. Marami akong dahilan kung bakit takot akong itanong ito sa kanya. Maya maya pa, nung wala nang gaanong tao sa simbahan nagsalita na rin siya.

Hannah: “Anton sorry ha. Sorry pero di kita gustong saktan. Nagsinungaling ako sa iyo. Wala akong boyfriend na Seaman. Iniiwasan kita noong mga panahon na yun. Pasensya na Anton, pinagsisihan ko yun ng matagal.”

Ako: “Ayus lang sa akin kung iniiwasan mo ako kaya ka nagsinungaling. Pwede ko bang tanungin kung bakit? Eh di kung ganon wala ka palang boyfriend? Bakit ka nangayayat?”

Hannah: “Meron… pero dati pa, ilang buwan pagkatapos kong magsinungaling sa iyo sa telepono. Hindi ko alam ang iniisip ko kung bakit ko sinagot siya, ilang araw lang kami nagtagal. Wala akong boyfriend na Seaman. Ibang klase ang mga nanliligaw sa akin. Wala akong nakilalang katulad mo.”

Ang sinabi niyang yun ay nagpasaya sa akin. Nakakapangamba rin na hindi ko mapaninindigan ang aking nararamdaman sa kanya dahil sa katayuan ko sa buhay. Mahirap lang kami at sila ay may negosyo. Umupo kami sa gilid ng simbahan at doon pinagpatuloy ang usapan.

Ako: “Hannah, ang dahilan kung bakit kita pinuntahan kasi di ka na pala doon sa inyo nanunuluyan at di kita maalis sa isip ko. Tumatawag ako sa telepono pero hinihintay ko na ikaw ang sasagot. Dati ikaw parati ang sumasagot at ngayon iba na, kaya di kita hinahanap, binababa ko na lang. Iniisip ko parati kung paano tayo mag-usap. Gusto kitang maging akin pero di ko magawa dahil isa ito sa mga sakripisyong dapat kong gawin. Masakit sa akin ang ganito, masakit na masakit.”

Nagusap pa kami ng masinsinan at marami pala siyang problema kaya siya nangayayat. Ang karamihan sa usapang ito ay hindi ko na pwede pang sabihin pa. Binigay niya sa akin ang kanyang number at binigay ko sa kanya ang number ni Tina kung kanino ako nakikigamit ng Cellphone. Naiinip raw siya at gusto niyang magtrabaho sa Maynila. Sa kanilang Negosyo, hindi raw siya tinatrato bilang kapamilya ng kanyang kaanak, parang multo raw siya kung turingin. Gusto raw niyang lumayas sa kanila at tumira sa Maynila at humihingi siya ng tulong sa akin. Pinakilala ko rin si Tina sa kanya at pinaliwanag ko ang sitwasyon niya. Dumidilim na at kumain kaming tatlo sa ilalim ng malaking puno sa labas ng kaniyang tinutuluyang bahay dahil may handaan sa kanila. Nabawasan na ang pagiging laki sa layaw ni Hannah. Tinititigan ko siya at ngumingiti siya sa akin. Ibang iba na siya simula noong umiiwas siya sa akin. Bago kami umalis, dumating ang kanyang Tiyahin at pinakilala niya ako habang nakahawak siya at bahagyang nakayakap sa aking braso.

Nagpaalam kami sa isa’t isa. Hindi ko inaasahang ganito ang mangyayari sa aking pagbisita sa kanya. Masyadong maraming nangyari at nagbago bigla lahat ng akala ko’y totoo. Masaya ko siyang naikwento kay Tina. Maganda raw talaga si Hannah sabi ni Tina. Masarap rin daw ang Cake at Spaghetti ng Tiyahin ni Hannah. Isa lang ang kapansin pansin sa kanila, maingay at masayahin ang mga kaanak ni Hannah ngunit siya ay malungkot at nag-iisa kasama kami. Naging maayos ang pag-alis namin at iniwan ko si Hannah sa kanilang maliit na gate. Hindi niya inalis ang tingin sa akin habang ako ay lumalayo. Nandoon pa ako at gusto ko na siyang makita ulit. Biglang bumalik ang masasayang ala-ala ko sa kanya noong kami ay bata pa.

Sa ngayon, pinapasahan niya ng load sa Cellphone si Tina para maitext ko siya kapag nagtatanong siya ng matitirhan sa Maynila. Parang ayaw na ayaw niyang tumira sa kanila at di ko maintindihan kung bakit. Ayaw niyang sabihin sa akin. Maganda sana kung sumama siya kay Tina sa tirahan para araw araw pwede ko siyang puntahan pero di rin niya magugustuhan ang lugar na iyon at ayaw ko siyang tumira sa ganitong lugar. Hindi para sa tulad ni Hannah ang lugar namin.

Tuwing sabado at linggo ng gabi na lang ako nakakapagbantay sa Computer Shop at minsan kapag Miyerkules ng gabi. Paminsan minsan bumibisita ako kapag bakante sa trabaho tuwing Lunes at Biyernes. Kargador ako ngayon ng mga mantika, marami pa akong ibang tinatrabaho at kapag kaya ko pa, tumutulong pa rin ako kay Papa sa pag-aayos ng mga kanyang ititinda. Sa gabi, nananakit na halos ang kamay ko sa paglaba ng mga damit at pati ang mata dahil sa mahinang ilaw pero ginagawan ko pa rin ng paraan para makahanap ng oras sa pagpunta kay Tina, para makapagusap kami ni Hannah sa text. Nakakatikim rin ako ng sigaw sa kapitbahay ni Tina kapag kumakatok ako para gisingin siya. Marami ang nagbago simula noong nakausap ko na ulit si Hannah.






June 16, 2008

Mga Naglahong Ala-ala

Noong nakaraang Marso dumayo ako ng Pampanga upang bisitahin ang puntod ng Mama. Dumarami ang tao sa Sementeryo at marami rin ang mga pamilyang naninirahan sa gilid gilid ng mga puntod. Mahirap kasing bumyahe ng Nobyembre at sa ngayon naman ang taas na ng pamasahe. Ang mga tao sa sementeryo ay kumakain ng kanin sa plastic at ginagawang tulugan ang gilid ng mga puntod. Sa pagbisitang ito, hindi ako nag-iisa. Kasama ko si Christina na kapangalan ng aking ina. Kaibigan ko siya na nakilala ko sa aming kapitbahay.

Mag tatatlong buwan na kasi ang nakakalipas dapat natanggap ko na ang aking SSS ID na inaddress ko sa aming kapitbahay na kakilala ni Papa. Mas madali kasing makita ang kanilang address. Bakit ganito sila? Pagkuha lang ng SSS ID mahirap pa? Kailangan ko kasi ito dahil minsan kumuha ako ng sideline na inirefer ng boss ko sa internet shop at ang ibinigay lang sa akin ay isang cheque. Sa Bangko napakahalaga ng SSS ID bilang valid ID para makuha mo ang pera mo. Kahit manalo ka sa isang lotto kung wala kang valid ID di mo mailalagay sa bangko ang pera mo. Dapat kung ganito kahalaga ang SSS ID, dapat ganun din ito pinagtutuunan ng pansin ng ating gobyerno dahil lalong humihirap at nagdaragdag pasakit sa mga mahihirap ang mga problemang ganito. Kapag wala ang may ari ng bahay, madalas nag-iiwan ako ng mensahe sa nangungupahan at si Christina ang nangungupahan ng bahay na pinupuntahan ko. Nakipagkwentuhan siya sa akin, galing raw siya ng probinsya at sinusubukang mamuhay sa Maynila. Mahirap lang sila at ang kanyang Tatay ay lasingero . Madalas siyang makatikim ng hampas ng sinturon kahit siya ay dalaga na. Matanda ako ng tatlong taon sa kanya. Ito ay isa lang sa dahilan kung bakit siya lumikas papuntang Maynila.Minsan pinapapasok niya ako sa kanyang maliit na apartment para magbantay sa kanya dahil may isang matandang lalaki raw na kasing edad na ng kanyang Tatay ang nanliligaw sa kanya sa lugar namin. May itsura kasi siya at masasabi mong maganda talaga ang wangis ng kanyang mukha. Morena siya, malinis sa pangangatawan at maayos manamit. Hindi nakakapagtaka kung bakit marami raw siyang manliligaw. Ito rin ang nakikita kong dahilan kung bakit raw minsan siya ay hinalikan ng kanyang tiyuhin sa kanyang leeg at hinawakan ang kanyang binti. Ang kanyang sariling Tiyuhin ay nililigawan siya’t nagkakagusto sa kanya. Minsan raw ay hinipuan pa siya sa maselan na bahagi ng katawan. Ito rin ang Tiyuhin niyang nagpapaligo sa kanya ng tubig na may yelo noong bata siya kapag siya ay nahuhuling nakikipaglaro sa labas. Sinubukan niyang isumbong sa kanyang Tatay ang kabastusan na ginagawa niya pero di siya pinansin nito. Malaking bagay ito na ikinasira ng kanyang pananaw sa mundo. Natakot siya sa kanyang tiyuhin dahil isa itong barumbado at nananaksak ng kaaway kaya nilisan na lang niya ang kanilang probinsya. Ang kanyang lasingerong tatay ay hindi siya pinagtatanggol dahil ang kanyang tiyuhin ang may ari ng kanilang tinitirhang bahay. Nakulong ang kanyang tiyuhin ng makipagsaksakan sa lugar nila ngunit malapit na siyang lumaya. Nabugbog rin daw ito dahil sa pambabastos ng asawa ng kapitbahay nila sa probinsya. Hindi na bago sa akin ang makarinig ng ganitong klase ng pangyayari sa mga mahihirap na pamilya dahil sa nakarinig na rin ako ng mga istorya, galing sa mga tsismosong kapitbahay kapag gabi na sa aming eskinita. Hindi ako nakikipaghalubilo sa kanila, naririnig ko lang ang kanilang mga kwentuhan habang dumadaan.

Sa pangatlong balik ko sa bahay na inuupahan ni Christina o Tina ko siya ganap na nakilala dahil doon napahaba ang pakikipagkwentuhan niya sa akin. Inilalayo ko sa masasama o negatibong topic ang usapan para magbago naman ang kanyang pananaw sa mundo. Madalas raw siyang mainip sa kanyang munting tirahan. Wala raw kasi siyang Radyo at sawa na siyang basahin ang mga lumang Dyaryo niya sa lamesa. Sinabi ko ang mga sekreto ko sa kanya para makayanan ang hirap sa buhay. Kapag instant noodles ang niluluto namin para ulam, nilalagyan ko ng malunggay. Kadalasan pa kasi medyo panis na ang kanin namin dahil wala naman kaming Ref kaya nilalagyan ng mainit na sabaw. Ang malunggay ay mayaman sa bitamina na daig ang napakaraming gulay at medyo nagtatagal ng matagal ang malunggay. Sa pagmahal ng mga bilihin ito lang ang mga solusyon na ginagawa namin. Kawawa nga siya dahil wala siyang magawa kundi bumili ng kanin na mas mahal sa carenderia dahil wala siyang lutuan. Isa lang ito sa napakaraming dahilan kung bakit mas humihirap ang mahihirap, kulang kami sa gamit tulad ng ricecooker at Refrigerator. Maraming pagkain at pera ang nasasayang kapag ikaw ay mahirap lang.

Madalas na pagusapan namin ang mga magagandang pangyayari sa buhay namin. Kinukwento ko sa kanya ang mga karanasan ko sa tabi ng ilog sa Pampanga kapag sinasama ako ng aking Mama doon. Sinabi ko rin sa kanyang kapangalan niya ang Mama ko. Isang buwan lang at naging kaibigan ko na talaga siya. Medyo mahiyain at ilang sa mga tao kasi si Tina, kaya siguro nagustuhan niyang makipagkaibigan sa isang tulad ko. Minsan isang sabado, niyaya niya ako para gumala sa Gateway sa may Cubao at nakapasok kami sa isang bilihan ng mga Comic Books. Marami raw comic books ang kaibigan niya na katulad ng mga nakikita namin sa kanilang probinsya. Bago raw umalis papuntang States ang kanyang kaibigan, sa kanya ito iniwan pero di niya nadala sa Maynila dahil nagmamadali siya noong umalis. Sana raw hindi pa ito ginagalaw ng ibang tao sa bahay nila. Tinanong niya ako, “Sinong Super Hero ang gusto mo?” Sinagot ko siya, “Wala akong maisip, mukhang OK naman silang lahat.” Hindi ko maintindihan kung bakit nalungkot siya habang nakatingin sa isang kulay itim na comic book at matagal niya itong tinitignan. Nung lumapit ako nagyaya na siyang lumabas at tinanong niya ako kung anong klaseng Super Hero raw ako. Ang sagot ko sa kanya, “Lahat naman tayo pwedeng maging super hero tuwing gumagawa tayo ng tama bawat oras dahil kampangyarihan din naman ang pagiging mabuting pwersa sa mundo.” Natawa na lang siya sa sinabi ko gaya ng nais ko talagang mangyari.

Masarap pala ang pakiramdam kapag ikaw ay may kaibigang pwede mong nakakausap ng madalas. Tinanong nga niya ako kung may naidate na raw akong babae at dinala ko sa Mall kaya nabanggit ko si Hannah. Gusto ko na sanang kalimutan si Hannah ngunit di ko siya maalis sa aking isipan. Walang lugar ang pagiging mahina sa isang taong mahirap lang. Yan ang parati kong iniisip tuwing naaalala ko ang nakaraan ko sa kanya. Si Tina ay maraming tanong pero di ko lahat sinasabi sa kanya. Nilinaw ko naman sa kanya na hindi kami nagde-date dahil kaibigan lang talaga ang turing ko sa kanya. Maganda rin naman na paminsan minsan nililibang ko na lang ang sarili para mailayo ang mga pangamba ko at problema ko. Madalas ko kasing isipin ang problema ni Leo sa kanyang pang matrikula at iba pang bagay na bumubulabog sa aking isipan. Marami pa kaming pinuntahan ni Tina bago kami sumakay ng LRT 2. Mabait raw ako sabi niya at sana raw may mga katulad ko sa pinagtratrabauhan niya dahil wala raw doon ang hindi oportunista at makasarili. Sinisiraan daw kasi siya ng madalas sa kanilang Boss. Kahit ako nararanasan ko rin ang mga naranasan niya pero mas malala ang kanyang sitwasyon sa akin lalo na’t babae lang siya na nag-iisa dito sa Maynila. Madalas siyang humingi ng pabor sa akin pero minsan lang ako humingi ng pabor sa kanya.Pumayag rin siya na minsan sa kanyang cellphone ko ipapapasa ang mga mensahe na gustong ipadala sa akin ng mga gustong magtext sa akin. Marami rin daw nanliligaw sa kanya sa kaniyang trabaho pero wala pa raw sa isip niya ang magkaboyfriend. Mabait siya sa umpisa pa lang at madali siyang kaibiganin.

Magaling makinig si Tina sa kwentuhan at nakakaaliw rin naman siyang magkwento. Naikwento ko sa kanya si Hannah kaya’t kinabukasan, tinawagan ko si Hannah. Namiss ko kasi kung paano kami mag-usap. Wala raw si Hannah sa kanila pero may binigay na address sa akin sa Pampanga kung saan pwede ko siyang puntahan. Bago ko isabay sa pagpunta ko sa Pampanga ang pagbisita ko sa kanya, humingi ng pabor naman sa akin si Christina. Sinamahan ko siyang magpunta sa Carriedo sa Maynila dahil may kakilala siya mula sa kanilang probinsya ang nandoon. Tamang tama naman at nagtext ang kakilala ko sa dati kong trabaho na binebenta raw sa kanya ang Rosaryong Pilak na ninakaw sa akin. Inalam ko kung ano ang pangalan ng nagtinda sa kanya at ako ay nagtext dito gamit ang cellphone ni Tina. Nagsisinungaling man siya o hindi, ang sabi niya napulot lang daw niya ito sa Kumpanya namin dati at naibenta na niya sa pinsan niya na nagtitinda ng ginto sa Carriedo. Noong maghiwalay kami ni Tina sa Carriedo pinuntahan ko ang Shop kung nasaan ang pinsan ng nakakuha ng Rosaryong bigay ng Mama ko. Tamang tama at naroon na rin ako, kaya sinadya ko na ring magtanong tanong. Napakahalaga sa akin ng Rosaryong ito at nagkaroon ako bigla ng pag-asang makita ulit ang Rosaryong bigay ni Mama. Hindi ko inabutan ang lalaking “Manny” na humahawak sa Rosaryo ng Mama ko. Ang sabi sa akin ng ale na inabutan ko sa shop, hindi raw binebenta ni Manny ang Rosaryong Pilak na hawak niya at meron daw talagang Rosaryong Pilak na ganito. Binigay ko sa ale ang number ni Christina. Nagkita kami ulit ni Christina sa may Jollibee. Ang limandaan kong pera na ayaw ko sanang gastusin ay kailangan kong gastusin para lang magkaroon ng baryang pang-jeep. Sinabi ko sa kanya ang magandang balita. Hindi kaya ito aksidente? Sapagkat dahil kay Christina natunton ko kung nasaan ang pusibleng humahawak sa Rosaryong bigay ng aking Mama? Si Christina ay kapangalan ni Mama at binalita ko sa kanya lahat ng nangyari. Hindi pa rin ako makapaniwala na kahit papaano nagkaroon ako ng pag-asang makita ulit ang Rosaryo ni Mama. Pagkatapos akong samahan ni Tina sa puntod ni Mama, pumunta kami sa ilog kung saan kami madalas magpunta ni Mama. Gusto kong ipakita kay Tina ang madalas kong ikwento sa kanya. Napuno ng poot ang loob ko noong makita kong nagbago na ang lahat. Hindi na makita ang gilid ng ilog kung saan kami madalas umupo ni Mama at kumakain. Hindi na rin mabango ang halimuyak ng tubig ng ilog na iniihip ng hangin. Isang taon lang ang nakakalipas noong huling beses kong makita ang ilog namin. May bahay nang itinayo dito at hindi na kami pwedeng pumasok. Hindi ko na nakikita ang ilog dahil sa dami na ng tao sa lugar na iyon. Pati ang espesyal na lugar namin ni Mama ay wala na rin. Naglalaho lahat ng bagay sa mundo, kung hindi man ay sumasama ang lahat ng alam kong dati ay maganda. Sa bandang malayo ang tubig ng ilog ay may nakatambak na basura na rin. Nalungkot ako sa pangyayari. Bago kami umalis ni Tina, binisita namin si Hannah.