July 23, 2007

Si Leonard

Si Leonard ang aking nakababatang kapatid. Siya ang aking responsibilidad. Sa kanya ko nakikita ang pag-asa naming tatlo. Ang Boss ko na may simpleng negosyo at trabaho ay nahihirapang ipagamot ang kanyang mga magulang tuwing sila’y magkakasakit. Paano pa kaya kami, kung magkaroon ng malalang sakit ang Papa? Sa amin, kapag ang Papa ay nagkakasakit, humihingi na lamang kami ng tulong sa kapitbahay na nagbibigay ng mga gamot na maaaring ipalit sa gamot na nabibili sa mamahaling bilihan. Hindi nagtinda ng isaw at paa ng manok si papa kagabi dahil sa nanghihina ang kanyang likuran. Sa aking balikat lahat ng bigat ng aming problema sa bahay. Sinabihan ko si Leo, “Mag aral ka ng mabuti para matulungan mo si Papa.” Kinausap ako kagabi ni Leo tungkol sa kanyang kaibigang niyaya siya dahil parati raw nananalo ito ng pera sa sabungan ngunit agad ko siyang binara at sinabihang hindi kami kalian man magsusugal. Maliit pa si Leo nang mamatay si Mama. Tinatanong ko siya kung minsan, “Naaalala mo pa ba si Mama?”. “Kaunti lang” ang sagot naman niya. Hindi ko malilimutan yung panahong binubuhat niya si Leo sa kanyang kamay at dinuduyan. Kamukha raw ni Leo ang Mama, sila raw ang magkahawig sabi niya. Sa una’y nalungkot ako dahil hindi na ako ang paborito ng aking Mama, ngunit ng tumagal, natutunan kong mahalin ang bunso kong kapatid. Pinapagalitan ako ni Mama kapag nadarapa siya at hindi ko siya dinadampot. Tahimik na bata si Leo. Karga karga ko siya noong namatay ang Mama, hindi kasi siya humihinto sa kakaiyak dahil hinahanap niya ang Mama. Siya ang kamukha ng Mama ko, sa kanya ko na lamang ulit nakikita ang aking mama. May kaunting larawan lang kasing naitabi si Papa ni Mama, dahil ang karamihan ay inangkin ng Lolo at Lola.


Buhat noong namatay ang Mama, hindi ko pa naramdaman na ako ang magaalaga kay Leo maliban sa natatanging panahong ako’y naging tunay na niyang kuya. Pinatawag ako noon sa School niya noong siya’y Grade 5 pa lamang. Nakipagsuntukan daw siya sa kanyang mga kaklase at siya ang tinuturong nagpasimula ng away. Kinakampihan ng Guro nila ang kanyang mga kaklase at ako lamang ang nagiisang kakampi niya sa buong klase nila! Gusto na siyang patalsikin ng Principal niya. Mas kayang tiisin ng Principal na isa ang mapatalsik at hindi tatlo. Si Leo at ang mga kaaway lamang niya ang tanging nakakaalam na hindi siya ang nagpasimula ng away. Nagimbestiga ako at tinanong kung ano ang sanhi ng gulo. Lahat sila, ang sinasabi ay si Leo raw ang nagpasimula, binato raw niya ang calculator ng isang guro sa mukha ng kaaway niyang si Ramil kaya daw ito nasugatan at nasira ang calculator. Ang sabi sa akin ni Leo, nahulog daw ang calculator nung magsimula silang magsuntukan dahil nakalagay ito sa itaas ng cabinet na kanilang tinamaan. Pinapabayad kasi sa amin ang nasirang calculator. Ayon kay Leo, nakuha raw ni Ramil ang sugat nya nung matamaan siya ng suntok ni Leo at bumagsak siya sa kinalalagyan ng calculator. Nagsimula raw ang away dahil ininsulto siya ng kaklase nya na pilay at lampa raw ang kanyang tatay tulad nya. Gumanti lamang raw ito ng salita sa kanya pero sinuntok siya ni Ramil at doon nagsimula ang away. Hinanap ko ang guro na may ari raw ng Calculator at sinabi niyang nakita niyang pumasok sa kwarto ang apat na estudyante at kalalagay lamang niya ng calculator niya sa ibabaw ng cabinet. Salungat ito sa sinasabi ng kaibigan nilang saksi na binato ni Leo si Ramil ng calculator galing sa labas ng kwarto. Nalaman nilang inosente talaga ang aking kapatid ng may magsabing nakita nilang lumabas lamang si Leo sa kwarto nung tapos na ang laban. Naniwala na ang Prinsipal sa amin dahil nalaman niyang nagsinungaling ang kaaway niya, humingi ng tawad sa akin ang Prinsipal ngunit kailangan pa rin daw masuspinde at parusahan si Leo sa kanyang ginawa. Ang kanyang mga kaaway ay hindi nasuspinde. Isa lamang ito sa mga insidente na nakita kong dahilan kung bakit sinusubukan niyang maging matigas sa lahat ng bagay. Ibang iba ang ugali ni Leo sa akin, siya ay talagang lumalaban at madaling maginit ang ulo. Mabait naman si Leo at madalas ko siyang yayaing magsimba para tuwing linggo may oras kami sa isa’t isa. Nagtatampo ako sa kanya kapag hinahanap niya ako dahil lang sa humihingi siya ng pera sa kanyang mga gastusin. Ibang iba na ang ugali ni Leo, hindi na katulad ng dati na medyo mahihahambing mo pa sa amin ng Papa. Hindi na kasi niya inabutan ang marangyang buhay namin dati, masyado pa siyang bata noong nakatira kami sa malaking bahay.



Nagkita kami kalian lang at pinagusapan namin ang mga plano namin sa buhay. Masyado akong abala dahil sa naghahanap rin ako ng mas magandang trabaho. Ang hirap nito, kahit na handang handa ka sa trabahong papasukan, ang nag-iinterview ay hindi naiintindihan ang iyong sitwasyon. Nagpunta ako sa malayong lugar para mag-apply at nalaman ko na lamang doon na bukas pa papasok ang magiinterview sa akin. Mababawasan na ang sahod ko sa pag –absent, napagastos pa ako ng malaki sa pamasahe at lalo pa akong sisiraan ng kasama ko sa trabaho dahil magiging dalawang araw ang aking absent. Hindi kasi pwedeng mag-apply ng Sabado at Linggo. Ang mga napapasukan ko naman, mas gusto pa nila sa mga mayayamang magaling lamang magsalita kaysa sa mga taong ginagawa nila ang lahat at binubuhos ang galing sa trabaho. Hindi ko na pwedeng galawin ang ipon ko para sa pagpapaaral kay Leo. Sa hirap ng buhay, kami ay patuloy na nagdarasal sa may kapal para kami’y kanyang tulungan.



Binanggit sa akin ni Leo noong Linggo lamang na may nakilala na siyang babae na sa tingin nya ay mahal na raw talaga niya. Ganito ang aming usapan.



Leo: “Kuya may nililigawan na ako, parang gusto rin niya sa akin. Maganda siya kuya, mabait at masipag mag-aral.”

Anton: “Gusto ko sana hanggang kaibigan muna kung pwede. Isipin mo sana ang plano namin ni Papa sa iyo.”

Leo: “Mahal ko na siya Kuya.”

Anton: “Naku wag ka ngang gagaya sa mga kaklase mo dahil iba ang buhay nila sa buhay natin.”

Leo: “Kasi sa kanila, may computer sila, pwede akong makigamit ng computer at makapagreview gamit ang mga libro nya. Kung hanggang kaibigan lang kami, paano na lang pag nagkaboyfriend na agad siya? Paano na ako? Mahal ko na siya kuya. Makakatulong pa siya sa akin sa pagaaral ko.”

Anton: “Tinanong mo na ba siya kung may nararamdaman siya sa iyo?”

Leo: “Gusto raw niya ako kuya”.

Anton: “Ayaw kong maghimasok sa pribadong buhay mo, pero ayaw lang kitang masaktan. Naniniwala akong kung sasagutin ka niya, iiwan ka rin niya pag dating ng panahon. Dapat handa ka dyan, dapat alam mong mahirap lang tayo at magiisip isip yan baka iwan ka niya. I-priority mo ang pag-aaral mo para umasenso ka pagdating ng araw.”

Leo: “Sige kuya, puntahan ko pa siya.”

Anton: “May pera ka?”

Yan parati ang tanong ko sa kanya, kung siya ay may dalang pera. Nagugulat kasi ako dahil kahit hindi ko siya binibigyan ng pera, may pera siyang hawak. Minsan pala malakas kumita si Papa at binibigyan niya si Leo dahil di marunong tumanggi si Papa sa kanyang mga anak. Sinabi rin niya sa akin na pagkatapos ng Eskwela tumutulong siya sa negosyo ng kaklase niya na pagtitinda. Hindi raw ito drugs o masamang bisyo pero nakakapagod. Gusto ko siyang makapagaral ng mabuti, at sana ang problema na lamang niya ay ang pag-aaral niya. Nang mawala si Mama, ako ang nagmistulang Nanay niya. Ako ang nagplaplantsa ng kanyang Uniform at naghahanda ng kanyang baon sa eskwela. Katulad ng ibang mga kabataan, si Leo ay may pagkarebelde rin. Minsan sinisigawan niya ako at lumalaban sa gusto ko. Hindi ko siya nilalabanan, pinapakita kong kaya kong maging mahinahon kahit sa ganyang mga bagay. Kahit na sinisigawan niya ako, mahinahon ko siyang kinakausap. Minsan tinanong niya sa akin, “Paano mo nagagawa yan?” Bigla kaming natawa kahit na nagtatalo kami, ang sabi ko sa kanya … “Pinangako ko kasi kay Mama aalagaan kita katulad ng pagaalaga niya sa iyo. Ganyan si Mama sa iyo noong musmos ka pa. Binibigay niya ang gusto mo at pinapatahan ka niya.” Unti unti nang nawawala ang pagiging rebeldeng bata ni Leo at patuloy na siyang nagiging tunay na binata. Siya ay maunawain at mabait, hindi ko siya kayang ipagpalit. Kaming dalawa ay nagtutulungan para umasenso ang aming buhay.