December 5, 2007

Makati

Sa Makati ko nakasalubong ang dalawang taong dating malapit sa aming pamilya. May naitabi kasi akong 40 pesos na aking magagamit sa pang-apply ko sa Makati. Lunes nang subukan kong tumahak sa siyudad ng Makati para makasubok mamasukan sa isang kumpanya na pumapayag magtrain ng empleyado. Sa unang beses sinabi ito ng aming makulit na kapitbahay, nagustuhan ko ito agad dahil habang ikaw raw ay nagtratrabaho, ikaw ay natututo. Pang-gabi siya at malapit na silang lumipat ng bahay dahil mataas raw ang kaniyang sahod. Sa building kung saan ako naguubos ng oras bago puntahan ang kumpanyang ito, ako ay nag-a-almusal ng cup noodles upang mainitan ang sikmura. Napagisip-isip kong absent na naman ako sa trabaho at nag-aalala kung tama ba itong aking ginagawa dahil tiyak na malaki ulit ang bawas sa aking sahod.
Si Nonoy kasi, ang kasama ko sa trabaho, ginagawa ang lahat upang mapatalsik na ako sa shop. Gusto niyang masolo ang sahod naming dalawa para nakakabili siya ng load sa cellphone niya. Nabasa ko itong plano niya ng hindi sinasadya sa kanyang computer screen habang kausap ang babaeng kanyang niloloko. Marami siyang ka-textmate at inaaksaya ang pera sa load. Kamaganak kasi siya ng may-ari kaya sinama sa akin para raw magkatrabaho. Mas mataas ang sahod niya sa akin. Panay laro lang ang ginagawa niya kahit na may customer na gustong gumamit ng computer. Madalas siyang umaalis tangay ang kanyang scooter at iniiwan akong mag-isa. Papagalitan naman ako ng boss kapag maraming reklamo at hindi ko matugunan dahil nagiisa lang ako bago niya ako makitang kasama si Nonoy na galing sa lakwatsa. Madalas pang naninigaw ng customer si Nonoy na may kasamang mura kapag natatalo siya sa network game kahit na sa tabi niya’y may taong nagbabasa ng e-mails, nabubulabog sa sobrang lakas ng kanyang tugtog na musika at bibig.
Nabanggit ko na ito dati sa aming boss pero siya ay gumanti at sinumbong sa boss na hindi ko raw pinapansin ang mga customer at maghapon raw akong gumagawa ng résumé ko, kahit na 10 minuto lamang iyon noong ako’y nakita niya. Sinuntok pa niya ako sa tagiliran pagkatapos nilang magusap ng boss. Pagkatapos nito, nanguutos siya na parang boss, hindi ko na lang siya pinapansin sa halip sinabi ko sa kanyang “kung hindi mo kaya ang trabaho mo, maghanap ka sa iba”. Kapag nagagalit siya dahil dito, nirereport ko siya pati ang ginagawa niyang panununtok at tadyak. Ayaw ko siyang patulan dahil wala sa aking ugali ang makipag away. Medyo umayos na ang sitwasyon dahil tinakot kaming tanggalin ng boss namin kapag di raw kami huminto. Hindi ko namang gustong mawalan ng trabaho, siya siguro kaya pa niya pero ako hindi. Wala akong magawa dahil ito lang ang pinagkukunan ko ng pera, kabuhayan at pagpapaaral kay Leo.
Parang nadurog ang puso ko noong inutusan ako ng boss naming pumunta sa kabilang shop para bumili ng 1 CD. Nakita ko roon si Leo na naka-uniform at naglalaro lamang. Nilibre lang raw siya ng kasama niyang kaibigan ng 1 hour at 1 hour na lang raw na 15 pesos ang kanyang ginastos. Nagusap kami sa bahay at sinabi niyang hindi na raw ito mauulit at hindi na raw sila uuwi ng maaga, gusto lang daw siyang ilibre ng kaibigan niya at nagsisisi na siya. Hindi raw kasi siya maka-relate sa usapan ng mga kaibigan niya kapag naguusap ng tungkol dito. Dapat lang na di na maulit dahil sa amin ang 15 pesos ay malaking halaga na. Kahit sa Telebisyon ang sinasabi nila’y umaasenso ang bansa, hindi ito umaabot sa mga mahihirap na kagaya namin.
Sa hirap ng buhay maghahanap ang isang tao ng mas ikabubuti at ikagiginhawa ng kanyang buhay. Sa loob ng isang convenient store, sa Makati, kung saan ako naghihintay ng oras at kumakain ng noodles may tumapik sa aking likuran. Si Troy ang aming dating hardinero! Ibang iba na ang kanyang itsura’t anyo. May negosyo na siya, nagpaparenta ng tricycle, lamesa, at iba pa. Siya rin ay nagpapautang. Mga matataas na empleyado sa mga gusali na ngayon ang kanyang mga pinapautang kaya raw siya nasa Makati. Siya raw ay kumikita na ngayon ng 2,500-4,000 kada-araw. Sabi niya, masipag lang daw siya kaya raw ito nangyari sa kanya. Nang malaman niyang ako ay nasa Makati para mag-apply ganito ang aming usapan.
Troy: Anong bang a-applyan mo?
Ako: Call Center, subukan ko lang.
Troy: “Maganda yan mataas ang sahod mo. Ayaw mo bang magtrabaho sa akin, taga singil ka ng utang at bayad ng mga pinapa-renta? “
Ako ay natuwa agad ng sabihin niya ito. Dahil alam kong mapagiisip isip niya akong tulungan at maganda raw ang mataas ang sahod. Ngunit ng tanungin ko na siya,
Ako: “Magkano po kaya ang bigay nyo sa akin doon?”
Troy: “Dalawang libo isang buwan.”
Noong sa una akala ko’y nagbibiro lang siya. Nagulat na lang ako ng sinabi niya ito. Hindi ito ang tamang presyo sa ganun kahirap na trabaho. Paano kaya ang kanyang mga trabahador sa ngayon? Naiinsulto pa siya ngayon noong natawag ko siyang “Mang Troy”. Nalungkot rin ako ng sinabi niya ito at nagpaalam na lang ako sa kanya. Akala pa niya na siya lang raw ang sadyang pinupuntahan ko dahil alam ni Papa na siya ay nakatira sa Makati. Umalis akong malungkot dahil nakalimutan na niya kung sino kami at kung saan siya nanggaling. Maaaring ayaw lang niyang maaalala na ang isang intsik na katulad niya ay minsan ng nanilbihan sa amin. Akala ko tutulungan niya ako dahil ang magulang ko, madalas siyang tulungan noong panahong kasama namin siya. Sa ibang kumpanya na lang ako dumiretso at nag-apply, hindi sa Call Center na dapat ako’y handa kung haharap. Nasaktan ako sa usapan namin ni Troy. Hindi ko kayang humarap sa interview.
Kung tutuusin, malaki ang utang na loob ni Troy sa pamilya namin. Kaya siya nagka-ipon dahil sa amin. Noong sa probinsya pa siya nagtratrabaho, kasama namin siya sa bahay. Sumasahod siya ng doble sa sahod ng ibang hardinero. Nakapagpatayo siya ng tindahan dahil sa ipon niya. Ayon sa kwento ni Papa noong umuwi na ako galing ng Makati, nilipat siya sa bahay namin galing sa bahay nila Lolo noon upang sa amin manilbihan bilang hardinero, dahil si Lolo ay mahigpit sa kanya. Libre siya sa pagkain at tirahan. Binigay sa kanya ni Papa ang hindi niya nakuha kay Lolo. May tira pa siyang pera sa sahod niya na pambili ng Beer. Tinuturing siya nila Mama at Papa bilang parte ng pamilya namin. Ngayon, nakalimutan na niya ang lahat ng ito.
Sa pangalawang araw na ako’y bumalik upang tumungo sa aking ina-applyan, sa isang hindi inaasahang pagkakataon, nakasalubong ko naman sa daan ang kaibigan ng aking Mama na sa Makati rin nakatira. Si Rey ay nakasama ni Mama sa isang trabaho noong nabubuhay pa siya. Mabait siya sa amin, dahil noon si Rey ang naghahatid kay Mama sa probinsya kapag hindi siya masundo ni Papa. Kinamusta ako ni Rey.
Rey: “Saan ka nagwowork? Kamusta ka na?”
Ako: “Sa computer shop lang po, mababa ang sahod kaya naisipan kong mag-apply dito sa Call Center”
Rey: “Naku alam mo ba ang pinapasukan mo? Nakapasok na ako diyan, walang seseryoso sa iyo dyan. Magaling ka ba sa English?”
Ako: “Hindi naman ho, susubukan ko lang.”
Rey: “Nakita ko kasi dati dyan, kakausapin mo ang boss nila at isang amerikano sa harap ng mga empleyado nila. Mapapahiya ka lang dahil tinatawanan nila lahat ng nag-a-apply. Ano bang course mo? Anong alam mong gawin?”
Sinabi ko lahat sa kanya ng alam kong gawin sa Computer. Mabuti sinabi niya sa akin kung anong klase ang pinapasukan ko. Dayuhan ako sa sarili kong bansa. Lahat ng kumpanya hinahanap na ang magaling mag-english. Si Rey ay mabuting tao kahit sa kanyang kilos ito ay halata mo. Hinanapan rin niya ako ng resume. Binigay ko ang aking nagiisang resume sa kanya at isinilid niya ito sa kanyang maleta. Mataas na ang posisyon ngayon ni Rey, at balak raw niya akong tulungan. Ipapasa raw niya ito sa kanyang kakilala sa kabilang kumpanya kung pwede raw akong ipasok doon. Malungkot rin siya sa nangyari kay Mama dahil sila ay magkaibigang tunay. Alam rin niyang kami’y naghirap at minsan noong matagal ng panahon, nagpautang siya kay Papa ng pera. Matagal na namin siyang hindi nakikita. Sa kaunting pagkakataong di inaasahang makakasalubong ko ang isang mabait na si Rey, ako ay nagkaroon ng pag-asa. Pinakiusap ko sa kanyang wag sasabihing hindi sa amin ang address na nakasulat sa aking résumé kundi sa aming kapitbahay na kaibigan ni Pa. Sila lang kasi ang mas madaling hanaping bahay at sila ang mayroong hindi nakakalitong mailing address. Mahigpit ko ngayong binabantayan ang cellphone na gamit ng aming shop dahil doon ko hinihintay ang text sa akin ng kumpanyang pinagbigayan ni Rey ng aking résumé. Minsan kasi kapag nauubusan ng load si Nonoy, dito siya nagtetext at binubura niya ang text na para sa akin na galing sa aming boss para magalit sa akin ang boss kapag di ko nagawa ang utos niya. Gusto ko nang makaalis sa ganitong klase ng buhay.
Sa ngayon magtyatyaga muna ako sa ganitong trabaho. Paminsan minsan, pumipikit na lang ako at nagdarasal para mawala ang sakit ng ulo na dulot ng buhay kong mahirap at masaklap na kapalaran. Tuwing gabi, kinukuha ko naman ang dalawang kahon ng stickers na aking ginugupit at binabayaran akong 300 pesos tuwing matatapos. Sa bawat oras ako ay nanggugupit at walang bakante. Ito rin ang aking nagmimistulang almusal dahil kadalasan ako’y hindi nag-aalmusal. Hindi ito makakain ngunit malalayo ko ang isip ko sa gutom. Ako ngayon ay parating nakamulat at dapat gising. Parating natatakot sa maaaring ikahihinatnan ng aking buhay. Nakilala ko sa Makati ang dalawang taong matagal ko ng hindi nakikita. Sa kanila ko nakita ang magandang halimbawa ng mahirap dati na sumasama ang ugali at ang mayaman na ubod ng bait. Kaunti lamang ang tulad ni Rey na dati ring mahirap ngunit siya ay isang tunay na mabuting tao na ngayon ay mayaman na. Minsan ang ugali wala rin sa katayuan sa buhay. Kagaya ni Troy na sumama na ang ugali porke’t yumaman at umasenso na siya. Ngunit isang punto lang ang mahalagang malinawan ang lahat at ito ang makakapagsabi sa tunay na buhay ng Mahihirap. Ang mga mahihirap, masama man ang kanilang ugali o hindi, sobra na talaga ang kanilang pagkagutom at pagkapagod. Wala sanang nasasayang. Naalala ko ang napanood ko sa TV. Si “John Paul”, isang paslit na nagpupunas ng paa sa loob ng Jeep. May kaya dati ang kanilang pamilya ngunit namatay ang kanyang magulang, kaya’t siya ngayon ay nag-iisa na lang. Masaklap ang aking kapalaran ngunit may iba pa palang katulad ko.
Tuwing Linggo, panay ang aking dasal. Kapag ako ay nagpapahinga, ako ay nagdarasal. Kapag ako ay kumakain, ako ay nagdarasal. Parati kong kausap ang Diyos at parati ko ring kausap ang aking mahal na Mama. Sana ay umayos na ang aking buhay. Sana umayos na ang buhay ng bawat Pilipinong katulad kong nakikipagsapalaran sa hirap ng buhay. Sana, walang buhay ang nasasayang. Sana walang taong nagsasayang ng kanilang buhay dahil ang sa inyo’y basura, sa iba ito ay kayamanan na. Maraming uri ng kayamanan at lahat ng ito ay hindi dapat nasasayang. Hindi mo malalaman ang totoong kahulugan nito kung ikaw mismo ay hindi mo mararanasan.