April 2, 2007

Ang Poot na Sinapit ng Aking Ama

Katulad ng aking Mama, mahal kong kapantay ang aking Papa. Maliit pa raw ako noon nang piliting mag-abroad si Papa ni lolo Leo (kung kanino ipinangalan ang aking kapatid). Ayaw man ni Mama, sumunod na lamang si Papa sa kagustuhan ni Lolo dahil sa paniniwalang matatanggap na nila siya kung siya ay susunod sa kagustuhan nilang mag-abroad siya. Ang Saudi lamang ang tumanggap sa kanya. Ang Visa na ibinigay sa kanya ng kaibigan ng pinsan ni Lolo ay peke. Niloko siya ng kapwa niya Pilipino. Nasa Pilipinas pa lamang si Papa sinigurado niyang hindi ito peke ngunit nalaman na lang niyang peke ito pagdating niya ng Saudi. Sa Saudi Arabia, madaling makapasok ngunit napakahirap makalabas. Alam niyang pahihirapan siya kapag nalamang peke ang kanyang Visa. Marami siyang katulad na nabigyan ng pekeng Visa, ngunit kaunti lamang silang nagdesisyong magtrabaho na lang upang makapagipon na dahil nandun na rin naman siya. Pagkalipas ng dalawang taon, nagdesisyon na siyang umalis. Nauna na niyang pinadala ang gamit niya bago sila (ng kanyang mga kasamahang Pilipino) ay umalis patungo sa pagsuko. Minabuti nilang magpanggap na Muslim upang mapadali ang kanilang pagalis. Marami siyang pinagdaanan bago makalabas ng Saudi. Napakahirap ng makulong at mahampas ng pamalo at hindi kumakain at umiinom ng ilang araw. Nakakaawa rin ang ibang lahi tulad ng mga Bumbay. Binibilad sila at pinapahirapan sa init ng mga bumihag sa kanila. Ang isa sa mga lalaking kasamahan nila ay nagahasa pa ng isang Arabong pulis. Ang mga ito ay patuloy pa ring nangyayari sa kasalukuyang panahon. Natakot raw siyang hindi na kami Makita pa ulit at gusto na niyang mamatay sa pagkakabihag doon. Mabuti na lang at nagdesisyon siyang magtrabaho muna at magkapera bago isuko ang sarili dahil sa prosesong iyon, marami kang lalagayan ng pera na mga kapwa mo ring Pilipino na nagtratrabaho sa ating Embassy doon upang makauwi ka ng maaga. Sa totoo, libre dapat ang pamasahe ngunit naniningil pa rin sila. Ang mga walang pera at sumuko agad, sila ang mga kawawang hindi maka-alis alis doon. Naubos ang kanyang dalang pera sa bulsa. Alalang alala raw ang aking Mama noong nasa Saudi siya. Pasalamat na rin si Mama at nakauwi pa ang aking Papa. Hindi na siya ulit babalik sa lugar na yun. Dumating siyang pilay ang kaliwang kamay dahil sa mga hampas ng pamalo. Nagalit si Mama noon sa Lolo dahil kasalanan ni Lolo ang lahat ng ito. Wala raw magawa si Mama kundi umiyak. Matapos nito sumali si Papa sa Militar. Lumipas ang maraming taon at pabago bago ang nangyari sa kanyang buhay. Nang maaksidente si Papa, hindi na siya muling naging masayahin. Nawala na rin ang dating malakas niyang loob nang pumanaw ang Mama, ngunit ang kanyang talino at kaalaman sa buhay ay buong buo pa. Tumatanda na si Papa, kailangan ko na siyang palitan. Nakakaawa siyang makitang nagiisa. Wala na si Mama na dati'y naaalala ko kung gaano sila maglambingan. Mahal na mahal nila ang isa't isa at sa tingin ko'y di nila inasahan ang lahat ng ito. Si Papa ang nagsisilbing gabay ko sa buhay. Marami kasi siyang kaalaman na maaari kong magamit. Maraming dinaranas ang mahirap na Pilipino na hindi nalalaman ng mayayaman nating kababayan. Ang totoo ay hindi natin alam kung kanino pwedeng mangyari ulit ang mga ito. Pinagiisipan ko rin kasi ang pag-aabroad. Bakit ganito ang bansa natin? Hinahayaan nating maghirap ang kapwa nating Pilipino at kailangan pang itaboy ang tao sa malayo at delikadong lugar upang pahirapan pa lalo? Sa buhay ngayon, dapat mag-abroad ka o kaya magnegosyo upang lumaki laki ang iyong kita. Ang hirap nito, sa proseso ng paghahanda marami rin ang gustong sumipsip ng perang inihanda mo para sana sa negosyo o pag-a-abroad. Ang bawat Pilipino ay may kakilalang nakikipagsapalaran sa Abroad, malalaman mo bigla na pinagsasamantalahan lang pala sila ng mga kapwa nating Pilipino sa Gobyerno na dapat sila pa ang gumagawa ng hakbang upang tulungan ang mga ito.