June 22, 2008

Tinik sa Lalamunan

Tatlong Buwan na ang nakakalipas at di ko pa rin maalis sa isipan ang pagbisita namin kay Hannah. Alas Tres ng hapon noong sinamahan ako ni Christina sa lugar na binigay sa amin ng lalaking sumagot ng telepono. Medyo nagtatampo pa siya dahil hindi ko siya sinamahang gumala sa mga lugar na dinadayo. Sabi ko sa kanya “Wala ka namang dapat paghinayangan, baka sumakit lang ang paa mo sa kakalakad”. Hindi ko rin masabi sa kanya dahil nahihiya ako na ako ay nagtitipid ng lubos at ayaw ko ring samantalahin ang kabaitan niya dahil pagkatapos ng konting tampo, pumayag agad siya sa gusto kong puntahan. Kapag nagpupunta kami sa mga lugar na gusto niya, katulad dati, napipilitan talaga akong gumastos ng malaki para lang mabaryahan ang perang buo.

Isang binatang nakasalamin ang nagbukas ng aming pintuan. Nang magtanong tanong ako, siya raw ay pinsan ni Hannah at nasa simbahan daw si Hannah para samahan ang Tiyahin niya. Nilakad naman namin ni Tina ang simbahan at doon ko muling nakita si Hannah na naglalakad palabas ng simbahan. Lumulundag ang aking puso sa galak ngunit may kaunting kaba at lungkot na kahalo. “Tinatrato kaya siya ng tama ng kanyang boyfriend? Sana hindi siya galit sa pagpunta ko dito” ang sabi ko sa isip ko.

“Nagpupunta ka pa rin ba dito?” Yan ang unang tanong ko sa kanya. “Ha?” ang pagulat niyang reaksyon sa akin. Sa aking buong akala ay napansin niya akong naglalakad palapit sa likod niya.

Mahinahon niyang sinabing, “Anton ikaw pala ‘yan.”

Hindi ko maintindihan kung bakit magkahalong lungkot at pagkasabik ang nababasa ko sa kanyang mukha noong ako ay makita niya. Napakapayat na ng kanyang mukha, halos nawala ang dating mataba niyang pisngi at parang lumalim ang kanyang mga mata.

Ako: “Ang tagal nating hindi nagkita ano? May bago ka bang tanim dito? Di ko kasi napansin ang tinanim mong bulaklak nung madalas pa tayo dito.”

Hannah: “Noong umalis ka para tumira sa Maynila, nagkusa akong tumulong sa paglagay ng iba sa mga bulaklak dito sa hardin ng simbahan pero ngayon iba na ang tinanim nila. Ngayon na lang ako ulit bumalik dito. May kasama ka? May girlfriend ka na ba? Kamusta ka na pala?”

Yan ang sabi niya sa akin. Dito kasi kami madalas dati kapag hindi kami gumagala kung saan saan. Mahilig siya sa mga bulaklak. Napatingin rin siya sa akin at kay Tina dahil sinusulyapan ko si Tina habang tumitingin siya sa mga nakapaskil sa bulletin board.

Ako: “Heto, mahirap ang buhay pero pinipilit kayanin. Kaibigan ko siya, si Tina, tumutulong siya sa akin sa Maynila kaya sinama ko siya dito para umabot naman siya sa ibang lugar, magastos nga lang sa pamasahe. Pakilala kita mamaya sa kanya. Wala pa akong girlfriend. Ikaw kamusta na yung boyfriend mo, Seaman siya di ba?”

Yan natanong ko na rin sa kanya. Naghihintay ako ng sagot niya dahil bigla siyang tumahimik habang tinanong ko ito sa kanya. Sana walang nangyaring masama na ayaw kong marinig. Sana hindi siya nangayayat dahil dito. Marami akong dahilan kung bakit takot akong itanong ito sa kanya. Maya maya pa, nung wala nang gaanong tao sa simbahan nagsalita na rin siya.

Hannah: “Anton sorry ha. Sorry pero di kita gustong saktan. Nagsinungaling ako sa iyo. Wala akong boyfriend na Seaman. Iniiwasan kita noong mga panahon na yun. Pasensya na Anton, pinagsisihan ko yun ng matagal.”

Ako: “Ayus lang sa akin kung iniiwasan mo ako kaya ka nagsinungaling. Pwede ko bang tanungin kung bakit? Eh di kung ganon wala ka palang boyfriend? Bakit ka nangayayat?”

Hannah: “Meron… pero dati pa, ilang buwan pagkatapos kong magsinungaling sa iyo sa telepono. Hindi ko alam ang iniisip ko kung bakit ko sinagot siya, ilang araw lang kami nagtagal. Wala akong boyfriend na Seaman. Ibang klase ang mga nanliligaw sa akin. Wala akong nakilalang katulad mo.”

Ang sinabi niyang yun ay nagpasaya sa akin. Nakakapangamba rin na hindi ko mapaninindigan ang aking nararamdaman sa kanya dahil sa katayuan ko sa buhay. Mahirap lang kami at sila ay may negosyo. Umupo kami sa gilid ng simbahan at doon pinagpatuloy ang usapan.

Ako: “Hannah, ang dahilan kung bakit kita pinuntahan kasi di ka na pala doon sa inyo nanunuluyan at di kita maalis sa isip ko. Tumatawag ako sa telepono pero hinihintay ko na ikaw ang sasagot. Dati ikaw parati ang sumasagot at ngayon iba na, kaya di kita hinahanap, binababa ko na lang. Iniisip ko parati kung paano tayo mag-usap. Gusto kitang maging akin pero di ko magawa dahil isa ito sa mga sakripisyong dapat kong gawin. Masakit sa akin ang ganito, masakit na masakit.”

Nagusap pa kami ng masinsinan at marami pala siyang problema kaya siya nangayayat. Ang karamihan sa usapang ito ay hindi ko na pwede pang sabihin pa. Binigay niya sa akin ang kanyang number at binigay ko sa kanya ang number ni Tina kung kanino ako nakikigamit ng Cellphone. Naiinip raw siya at gusto niyang magtrabaho sa Maynila. Sa kanilang Negosyo, hindi raw siya tinatrato bilang kapamilya ng kanyang kaanak, parang multo raw siya kung turingin. Gusto raw niyang lumayas sa kanila at tumira sa Maynila at humihingi siya ng tulong sa akin. Pinakilala ko rin si Tina sa kanya at pinaliwanag ko ang sitwasyon niya. Dumidilim na at kumain kaming tatlo sa ilalim ng malaking puno sa labas ng kaniyang tinutuluyang bahay dahil may handaan sa kanila. Nabawasan na ang pagiging laki sa layaw ni Hannah. Tinititigan ko siya at ngumingiti siya sa akin. Ibang iba na siya simula noong umiiwas siya sa akin. Bago kami umalis, dumating ang kanyang Tiyahin at pinakilala niya ako habang nakahawak siya at bahagyang nakayakap sa aking braso.

Nagpaalam kami sa isa’t isa. Hindi ko inaasahang ganito ang mangyayari sa aking pagbisita sa kanya. Masyadong maraming nangyari at nagbago bigla lahat ng akala ko’y totoo. Masaya ko siyang naikwento kay Tina. Maganda raw talaga si Hannah sabi ni Tina. Masarap rin daw ang Cake at Spaghetti ng Tiyahin ni Hannah. Isa lang ang kapansin pansin sa kanila, maingay at masayahin ang mga kaanak ni Hannah ngunit siya ay malungkot at nag-iisa kasama kami. Naging maayos ang pag-alis namin at iniwan ko si Hannah sa kanilang maliit na gate. Hindi niya inalis ang tingin sa akin habang ako ay lumalayo. Nandoon pa ako at gusto ko na siyang makita ulit. Biglang bumalik ang masasayang ala-ala ko sa kanya noong kami ay bata pa.

Sa ngayon, pinapasahan niya ng load sa Cellphone si Tina para maitext ko siya kapag nagtatanong siya ng matitirhan sa Maynila. Parang ayaw na ayaw niyang tumira sa kanila at di ko maintindihan kung bakit. Ayaw niyang sabihin sa akin. Maganda sana kung sumama siya kay Tina sa tirahan para araw araw pwede ko siyang puntahan pero di rin niya magugustuhan ang lugar na iyon at ayaw ko siyang tumira sa ganitong lugar. Hindi para sa tulad ni Hannah ang lugar namin.

Tuwing sabado at linggo ng gabi na lang ako nakakapagbantay sa Computer Shop at minsan kapag Miyerkules ng gabi. Paminsan minsan bumibisita ako kapag bakante sa trabaho tuwing Lunes at Biyernes. Kargador ako ngayon ng mga mantika, marami pa akong ibang tinatrabaho at kapag kaya ko pa, tumutulong pa rin ako kay Papa sa pag-aayos ng mga kanyang ititinda. Sa gabi, nananakit na halos ang kamay ko sa paglaba ng mga damit at pati ang mata dahil sa mahinang ilaw pero ginagawan ko pa rin ng paraan para makahanap ng oras sa pagpunta kay Tina, para makapagusap kami ni Hannah sa text. Nakakatikim rin ako ng sigaw sa kapitbahay ni Tina kapag kumakatok ako para gisingin siya. Marami ang nagbago simula noong nakausap ko na ulit si Hannah.






June 16, 2008

Mga Naglahong Ala-ala

Noong nakaraang Marso dumayo ako ng Pampanga upang bisitahin ang puntod ng Mama. Dumarami ang tao sa Sementeryo at marami rin ang mga pamilyang naninirahan sa gilid gilid ng mga puntod. Mahirap kasing bumyahe ng Nobyembre at sa ngayon naman ang taas na ng pamasahe. Ang mga tao sa sementeryo ay kumakain ng kanin sa plastic at ginagawang tulugan ang gilid ng mga puntod. Sa pagbisitang ito, hindi ako nag-iisa. Kasama ko si Christina na kapangalan ng aking ina. Kaibigan ko siya na nakilala ko sa aming kapitbahay.

Mag tatatlong buwan na kasi ang nakakalipas dapat natanggap ko na ang aking SSS ID na inaddress ko sa aming kapitbahay na kakilala ni Papa. Mas madali kasing makita ang kanilang address. Bakit ganito sila? Pagkuha lang ng SSS ID mahirap pa? Kailangan ko kasi ito dahil minsan kumuha ako ng sideline na inirefer ng boss ko sa internet shop at ang ibinigay lang sa akin ay isang cheque. Sa Bangko napakahalaga ng SSS ID bilang valid ID para makuha mo ang pera mo. Kahit manalo ka sa isang lotto kung wala kang valid ID di mo mailalagay sa bangko ang pera mo. Dapat kung ganito kahalaga ang SSS ID, dapat ganun din ito pinagtutuunan ng pansin ng ating gobyerno dahil lalong humihirap at nagdaragdag pasakit sa mga mahihirap ang mga problemang ganito. Kapag wala ang may ari ng bahay, madalas nag-iiwan ako ng mensahe sa nangungupahan at si Christina ang nangungupahan ng bahay na pinupuntahan ko. Nakipagkwentuhan siya sa akin, galing raw siya ng probinsya at sinusubukang mamuhay sa Maynila. Mahirap lang sila at ang kanyang Tatay ay lasingero . Madalas siyang makatikim ng hampas ng sinturon kahit siya ay dalaga na. Matanda ako ng tatlong taon sa kanya. Ito ay isa lang sa dahilan kung bakit siya lumikas papuntang Maynila.Minsan pinapapasok niya ako sa kanyang maliit na apartment para magbantay sa kanya dahil may isang matandang lalaki raw na kasing edad na ng kanyang Tatay ang nanliligaw sa kanya sa lugar namin. May itsura kasi siya at masasabi mong maganda talaga ang wangis ng kanyang mukha. Morena siya, malinis sa pangangatawan at maayos manamit. Hindi nakakapagtaka kung bakit marami raw siyang manliligaw. Ito rin ang nakikita kong dahilan kung bakit raw minsan siya ay hinalikan ng kanyang tiyuhin sa kanyang leeg at hinawakan ang kanyang binti. Ang kanyang sariling Tiyuhin ay nililigawan siya’t nagkakagusto sa kanya. Minsan raw ay hinipuan pa siya sa maselan na bahagi ng katawan. Ito rin ang Tiyuhin niyang nagpapaligo sa kanya ng tubig na may yelo noong bata siya kapag siya ay nahuhuling nakikipaglaro sa labas. Sinubukan niyang isumbong sa kanyang Tatay ang kabastusan na ginagawa niya pero di siya pinansin nito. Malaking bagay ito na ikinasira ng kanyang pananaw sa mundo. Natakot siya sa kanyang tiyuhin dahil isa itong barumbado at nananaksak ng kaaway kaya nilisan na lang niya ang kanilang probinsya. Ang kanyang lasingerong tatay ay hindi siya pinagtatanggol dahil ang kanyang tiyuhin ang may ari ng kanilang tinitirhang bahay. Nakulong ang kanyang tiyuhin ng makipagsaksakan sa lugar nila ngunit malapit na siyang lumaya. Nabugbog rin daw ito dahil sa pambabastos ng asawa ng kapitbahay nila sa probinsya. Hindi na bago sa akin ang makarinig ng ganitong klase ng pangyayari sa mga mahihirap na pamilya dahil sa nakarinig na rin ako ng mga istorya, galing sa mga tsismosong kapitbahay kapag gabi na sa aming eskinita. Hindi ako nakikipaghalubilo sa kanila, naririnig ko lang ang kanilang mga kwentuhan habang dumadaan.

Sa pangatlong balik ko sa bahay na inuupahan ni Christina o Tina ko siya ganap na nakilala dahil doon napahaba ang pakikipagkwentuhan niya sa akin. Inilalayo ko sa masasama o negatibong topic ang usapan para magbago naman ang kanyang pananaw sa mundo. Madalas raw siyang mainip sa kanyang munting tirahan. Wala raw kasi siyang Radyo at sawa na siyang basahin ang mga lumang Dyaryo niya sa lamesa. Sinabi ko ang mga sekreto ko sa kanya para makayanan ang hirap sa buhay. Kapag instant noodles ang niluluto namin para ulam, nilalagyan ko ng malunggay. Kadalasan pa kasi medyo panis na ang kanin namin dahil wala naman kaming Ref kaya nilalagyan ng mainit na sabaw. Ang malunggay ay mayaman sa bitamina na daig ang napakaraming gulay at medyo nagtatagal ng matagal ang malunggay. Sa pagmahal ng mga bilihin ito lang ang mga solusyon na ginagawa namin. Kawawa nga siya dahil wala siyang magawa kundi bumili ng kanin na mas mahal sa carenderia dahil wala siyang lutuan. Isa lang ito sa napakaraming dahilan kung bakit mas humihirap ang mahihirap, kulang kami sa gamit tulad ng ricecooker at Refrigerator. Maraming pagkain at pera ang nasasayang kapag ikaw ay mahirap lang.

Madalas na pagusapan namin ang mga magagandang pangyayari sa buhay namin. Kinukwento ko sa kanya ang mga karanasan ko sa tabi ng ilog sa Pampanga kapag sinasama ako ng aking Mama doon. Sinabi ko rin sa kanyang kapangalan niya ang Mama ko. Isang buwan lang at naging kaibigan ko na talaga siya. Medyo mahiyain at ilang sa mga tao kasi si Tina, kaya siguro nagustuhan niyang makipagkaibigan sa isang tulad ko. Minsan isang sabado, niyaya niya ako para gumala sa Gateway sa may Cubao at nakapasok kami sa isang bilihan ng mga Comic Books. Marami raw comic books ang kaibigan niya na katulad ng mga nakikita namin sa kanilang probinsya. Bago raw umalis papuntang States ang kanyang kaibigan, sa kanya ito iniwan pero di niya nadala sa Maynila dahil nagmamadali siya noong umalis. Sana raw hindi pa ito ginagalaw ng ibang tao sa bahay nila. Tinanong niya ako, “Sinong Super Hero ang gusto mo?” Sinagot ko siya, “Wala akong maisip, mukhang OK naman silang lahat.” Hindi ko maintindihan kung bakit nalungkot siya habang nakatingin sa isang kulay itim na comic book at matagal niya itong tinitignan. Nung lumapit ako nagyaya na siyang lumabas at tinanong niya ako kung anong klaseng Super Hero raw ako. Ang sagot ko sa kanya, “Lahat naman tayo pwedeng maging super hero tuwing gumagawa tayo ng tama bawat oras dahil kampangyarihan din naman ang pagiging mabuting pwersa sa mundo.” Natawa na lang siya sa sinabi ko gaya ng nais ko talagang mangyari.

Masarap pala ang pakiramdam kapag ikaw ay may kaibigang pwede mong nakakausap ng madalas. Tinanong nga niya ako kung may naidate na raw akong babae at dinala ko sa Mall kaya nabanggit ko si Hannah. Gusto ko na sanang kalimutan si Hannah ngunit di ko siya maalis sa aking isipan. Walang lugar ang pagiging mahina sa isang taong mahirap lang. Yan ang parati kong iniisip tuwing naaalala ko ang nakaraan ko sa kanya. Si Tina ay maraming tanong pero di ko lahat sinasabi sa kanya. Nilinaw ko naman sa kanya na hindi kami nagde-date dahil kaibigan lang talaga ang turing ko sa kanya. Maganda rin naman na paminsan minsan nililibang ko na lang ang sarili para mailayo ang mga pangamba ko at problema ko. Madalas ko kasing isipin ang problema ni Leo sa kanyang pang matrikula at iba pang bagay na bumubulabog sa aking isipan. Marami pa kaming pinuntahan ni Tina bago kami sumakay ng LRT 2. Mabait raw ako sabi niya at sana raw may mga katulad ko sa pinagtratrabauhan niya dahil wala raw doon ang hindi oportunista at makasarili. Sinisiraan daw kasi siya ng madalas sa kanilang Boss. Kahit ako nararanasan ko rin ang mga naranasan niya pero mas malala ang kanyang sitwasyon sa akin lalo na’t babae lang siya na nag-iisa dito sa Maynila. Madalas siyang humingi ng pabor sa akin pero minsan lang ako humingi ng pabor sa kanya.Pumayag rin siya na minsan sa kanyang cellphone ko ipapapasa ang mga mensahe na gustong ipadala sa akin ng mga gustong magtext sa akin. Marami rin daw nanliligaw sa kanya sa kaniyang trabaho pero wala pa raw sa isip niya ang magkaboyfriend. Mabait siya sa umpisa pa lang at madali siyang kaibiganin.

Magaling makinig si Tina sa kwentuhan at nakakaaliw rin naman siyang magkwento. Naikwento ko sa kanya si Hannah kaya’t kinabukasan, tinawagan ko si Hannah. Namiss ko kasi kung paano kami mag-usap. Wala raw si Hannah sa kanila pero may binigay na address sa akin sa Pampanga kung saan pwede ko siyang puntahan. Bago ko isabay sa pagpunta ko sa Pampanga ang pagbisita ko sa kanya, humingi ng pabor naman sa akin si Christina. Sinamahan ko siyang magpunta sa Carriedo sa Maynila dahil may kakilala siya mula sa kanilang probinsya ang nandoon. Tamang tama naman at nagtext ang kakilala ko sa dati kong trabaho na binebenta raw sa kanya ang Rosaryong Pilak na ninakaw sa akin. Inalam ko kung ano ang pangalan ng nagtinda sa kanya at ako ay nagtext dito gamit ang cellphone ni Tina. Nagsisinungaling man siya o hindi, ang sabi niya napulot lang daw niya ito sa Kumpanya namin dati at naibenta na niya sa pinsan niya na nagtitinda ng ginto sa Carriedo. Noong maghiwalay kami ni Tina sa Carriedo pinuntahan ko ang Shop kung nasaan ang pinsan ng nakakuha ng Rosaryong bigay ng Mama ko. Tamang tama at naroon na rin ako, kaya sinadya ko na ring magtanong tanong. Napakahalaga sa akin ng Rosaryong ito at nagkaroon ako bigla ng pag-asang makita ulit ang Rosaryong bigay ni Mama. Hindi ko inabutan ang lalaking “Manny” na humahawak sa Rosaryo ng Mama ko. Ang sabi sa akin ng ale na inabutan ko sa shop, hindi raw binebenta ni Manny ang Rosaryong Pilak na hawak niya at meron daw talagang Rosaryong Pilak na ganito. Binigay ko sa ale ang number ni Christina. Nagkita kami ulit ni Christina sa may Jollibee. Ang limandaan kong pera na ayaw ko sanang gastusin ay kailangan kong gastusin para lang magkaroon ng baryang pang-jeep. Sinabi ko sa kanya ang magandang balita. Hindi kaya ito aksidente? Sapagkat dahil kay Christina natunton ko kung nasaan ang pusibleng humahawak sa Rosaryong bigay ng aking Mama? Si Christina ay kapangalan ni Mama at binalita ko sa kanya lahat ng nangyari. Hindi pa rin ako makapaniwala na kahit papaano nagkaroon ako ng pag-asang makita ulit ang Rosaryo ni Mama. Pagkatapos akong samahan ni Tina sa puntod ni Mama, pumunta kami sa ilog kung saan kami madalas magpunta ni Mama. Gusto kong ipakita kay Tina ang madalas kong ikwento sa kanya. Napuno ng poot ang loob ko noong makita kong nagbago na ang lahat. Hindi na makita ang gilid ng ilog kung saan kami madalas umupo ni Mama at kumakain. Hindi na rin mabango ang halimuyak ng tubig ng ilog na iniihip ng hangin. Isang taon lang ang nakakalipas noong huling beses kong makita ang ilog namin. May bahay nang itinayo dito at hindi na kami pwedeng pumasok. Hindi ko na nakikita ang ilog dahil sa dami na ng tao sa lugar na iyon. Pati ang espesyal na lugar namin ni Mama ay wala na rin. Naglalaho lahat ng bagay sa mundo, kung hindi man ay sumasama ang lahat ng alam kong dati ay maganda. Sa bandang malayo ang tubig ng ilog ay may nakatambak na basura na rin. Nalungkot ako sa pangyayari. Bago kami umalis ni Tina, binisita namin si Hannah.

December 5, 2007

Makati

Sa Makati ko nakasalubong ang dalawang taong dating malapit sa aming pamilya. May naitabi kasi akong 40 pesos na aking magagamit sa pang-apply ko sa Makati. Lunes nang subukan kong tumahak sa siyudad ng Makati para makasubok mamasukan sa isang kumpanya na pumapayag magtrain ng empleyado. Sa unang beses sinabi ito ng aming makulit na kapitbahay, nagustuhan ko ito agad dahil habang ikaw raw ay nagtratrabaho, ikaw ay natututo. Pang-gabi siya at malapit na silang lumipat ng bahay dahil mataas raw ang kaniyang sahod. Sa building kung saan ako naguubos ng oras bago puntahan ang kumpanyang ito, ako ay nag-a-almusal ng cup noodles upang mainitan ang sikmura. Napagisip-isip kong absent na naman ako sa trabaho at nag-aalala kung tama ba itong aking ginagawa dahil tiyak na malaki ulit ang bawas sa aking sahod.
Si Nonoy kasi, ang kasama ko sa trabaho, ginagawa ang lahat upang mapatalsik na ako sa shop. Gusto niyang masolo ang sahod naming dalawa para nakakabili siya ng load sa cellphone niya. Nabasa ko itong plano niya ng hindi sinasadya sa kanyang computer screen habang kausap ang babaeng kanyang niloloko. Marami siyang ka-textmate at inaaksaya ang pera sa load. Kamaganak kasi siya ng may-ari kaya sinama sa akin para raw magkatrabaho. Mas mataas ang sahod niya sa akin. Panay laro lang ang ginagawa niya kahit na may customer na gustong gumamit ng computer. Madalas siyang umaalis tangay ang kanyang scooter at iniiwan akong mag-isa. Papagalitan naman ako ng boss kapag maraming reklamo at hindi ko matugunan dahil nagiisa lang ako bago niya ako makitang kasama si Nonoy na galing sa lakwatsa. Madalas pang naninigaw ng customer si Nonoy na may kasamang mura kapag natatalo siya sa network game kahit na sa tabi niya’y may taong nagbabasa ng e-mails, nabubulabog sa sobrang lakas ng kanyang tugtog na musika at bibig.
Nabanggit ko na ito dati sa aming boss pero siya ay gumanti at sinumbong sa boss na hindi ko raw pinapansin ang mga customer at maghapon raw akong gumagawa ng résumé ko, kahit na 10 minuto lamang iyon noong ako’y nakita niya. Sinuntok pa niya ako sa tagiliran pagkatapos nilang magusap ng boss. Pagkatapos nito, nanguutos siya na parang boss, hindi ko na lang siya pinapansin sa halip sinabi ko sa kanyang “kung hindi mo kaya ang trabaho mo, maghanap ka sa iba”. Kapag nagagalit siya dahil dito, nirereport ko siya pati ang ginagawa niyang panununtok at tadyak. Ayaw ko siyang patulan dahil wala sa aking ugali ang makipag away. Medyo umayos na ang sitwasyon dahil tinakot kaming tanggalin ng boss namin kapag di raw kami huminto. Hindi ko namang gustong mawalan ng trabaho, siya siguro kaya pa niya pero ako hindi. Wala akong magawa dahil ito lang ang pinagkukunan ko ng pera, kabuhayan at pagpapaaral kay Leo.
Parang nadurog ang puso ko noong inutusan ako ng boss naming pumunta sa kabilang shop para bumili ng 1 CD. Nakita ko roon si Leo na naka-uniform at naglalaro lamang. Nilibre lang raw siya ng kasama niyang kaibigan ng 1 hour at 1 hour na lang raw na 15 pesos ang kanyang ginastos. Nagusap kami sa bahay at sinabi niyang hindi na raw ito mauulit at hindi na raw sila uuwi ng maaga, gusto lang daw siyang ilibre ng kaibigan niya at nagsisisi na siya. Hindi raw kasi siya maka-relate sa usapan ng mga kaibigan niya kapag naguusap ng tungkol dito. Dapat lang na di na maulit dahil sa amin ang 15 pesos ay malaking halaga na. Kahit sa Telebisyon ang sinasabi nila’y umaasenso ang bansa, hindi ito umaabot sa mga mahihirap na kagaya namin.
Sa hirap ng buhay maghahanap ang isang tao ng mas ikabubuti at ikagiginhawa ng kanyang buhay. Sa loob ng isang convenient store, sa Makati, kung saan ako naghihintay ng oras at kumakain ng noodles may tumapik sa aking likuran. Si Troy ang aming dating hardinero! Ibang iba na ang kanyang itsura’t anyo. May negosyo na siya, nagpaparenta ng tricycle, lamesa, at iba pa. Siya rin ay nagpapautang. Mga matataas na empleyado sa mga gusali na ngayon ang kanyang mga pinapautang kaya raw siya nasa Makati. Siya raw ay kumikita na ngayon ng 2,500-4,000 kada-araw. Sabi niya, masipag lang daw siya kaya raw ito nangyari sa kanya. Nang malaman niyang ako ay nasa Makati para mag-apply ganito ang aming usapan.
Troy: Anong bang a-applyan mo?
Ako: Call Center, subukan ko lang.
Troy: “Maganda yan mataas ang sahod mo. Ayaw mo bang magtrabaho sa akin, taga singil ka ng utang at bayad ng mga pinapa-renta? “
Ako ay natuwa agad ng sabihin niya ito. Dahil alam kong mapagiisip isip niya akong tulungan at maganda raw ang mataas ang sahod. Ngunit ng tanungin ko na siya,
Ako: “Magkano po kaya ang bigay nyo sa akin doon?”
Troy: “Dalawang libo isang buwan.”
Noong sa una akala ko’y nagbibiro lang siya. Nagulat na lang ako ng sinabi niya ito. Hindi ito ang tamang presyo sa ganun kahirap na trabaho. Paano kaya ang kanyang mga trabahador sa ngayon? Naiinsulto pa siya ngayon noong natawag ko siyang “Mang Troy”. Nalungkot rin ako ng sinabi niya ito at nagpaalam na lang ako sa kanya. Akala pa niya na siya lang raw ang sadyang pinupuntahan ko dahil alam ni Papa na siya ay nakatira sa Makati. Umalis akong malungkot dahil nakalimutan na niya kung sino kami at kung saan siya nanggaling. Maaaring ayaw lang niyang maaalala na ang isang intsik na katulad niya ay minsan ng nanilbihan sa amin. Akala ko tutulungan niya ako dahil ang magulang ko, madalas siyang tulungan noong panahong kasama namin siya. Sa ibang kumpanya na lang ako dumiretso at nag-apply, hindi sa Call Center na dapat ako’y handa kung haharap. Nasaktan ako sa usapan namin ni Troy. Hindi ko kayang humarap sa interview.
Kung tutuusin, malaki ang utang na loob ni Troy sa pamilya namin. Kaya siya nagka-ipon dahil sa amin. Noong sa probinsya pa siya nagtratrabaho, kasama namin siya sa bahay. Sumasahod siya ng doble sa sahod ng ibang hardinero. Nakapagpatayo siya ng tindahan dahil sa ipon niya. Ayon sa kwento ni Papa noong umuwi na ako galing ng Makati, nilipat siya sa bahay namin galing sa bahay nila Lolo noon upang sa amin manilbihan bilang hardinero, dahil si Lolo ay mahigpit sa kanya. Libre siya sa pagkain at tirahan. Binigay sa kanya ni Papa ang hindi niya nakuha kay Lolo. May tira pa siyang pera sa sahod niya na pambili ng Beer. Tinuturing siya nila Mama at Papa bilang parte ng pamilya namin. Ngayon, nakalimutan na niya ang lahat ng ito.
Sa pangalawang araw na ako’y bumalik upang tumungo sa aking ina-applyan, sa isang hindi inaasahang pagkakataon, nakasalubong ko naman sa daan ang kaibigan ng aking Mama na sa Makati rin nakatira. Si Rey ay nakasama ni Mama sa isang trabaho noong nabubuhay pa siya. Mabait siya sa amin, dahil noon si Rey ang naghahatid kay Mama sa probinsya kapag hindi siya masundo ni Papa. Kinamusta ako ni Rey.
Rey: “Saan ka nagwowork? Kamusta ka na?”
Ako: “Sa computer shop lang po, mababa ang sahod kaya naisipan kong mag-apply dito sa Call Center”
Rey: “Naku alam mo ba ang pinapasukan mo? Nakapasok na ako diyan, walang seseryoso sa iyo dyan. Magaling ka ba sa English?”
Ako: “Hindi naman ho, susubukan ko lang.”
Rey: “Nakita ko kasi dati dyan, kakausapin mo ang boss nila at isang amerikano sa harap ng mga empleyado nila. Mapapahiya ka lang dahil tinatawanan nila lahat ng nag-a-apply. Ano bang course mo? Anong alam mong gawin?”
Sinabi ko lahat sa kanya ng alam kong gawin sa Computer. Mabuti sinabi niya sa akin kung anong klase ang pinapasukan ko. Dayuhan ako sa sarili kong bansa. Lahat ng kumpanya hinahanap na ang magaling mag-english. Si Rey ay mabuting tao kahit sa kanyang kilos ito ay halata mo. Hinanapan rin niya ako ng resume. Binigay ko ang aking nagiisang resume sa kanya at isinilid niya ito sa kanyang maleta. Mataas na ang posisyon ngayon ni Rey, at balak raw niya akong tulungan. Ipapasa raw niya ito sa kanyang kakilala sa kabilang kumpanya kung pwede raw akong ipasok doon. Malungkot rin siya sa nangyari kay Mama dahil sila ay magkaibigang tunay. Alam rin niyang kami’y naghirap at minsan noong matagal ng panahon, nagpautang siya kay Papa ng pera. Matagal na namin siyang hindi nakikita. Sa kaunting pagkakataong di inaasahang makakasalubong ko ang isang mabait na si Rey, ako ay nagkaroon ng pag-asa. Pinakiusap ko sa kanyang wag sasabihing hindi sa amin ang address na nakasulat sa aking résumé kundi sa aming kapitbahay na kaibigan ni Pa. Sila lang kasi ang mas madaling hanaping bahay at sila ang mayroong hindi nakakalitong mailing address. Mahigpit ko ngayong binabantayan ang cellphone na gamit ng aming shop dahil doon ko hinihintay ang text sa akin ng kumpanyang pinagbigayan ni Rey ng aking résumé. Minsan kasi kapag nauubusan ng load si Nonoy, dito siya nagtetext at binubura niya ang text na para sa akin na galing sa aming boss para magalit sa akin ang boss kapag di ko nagawa ang utos niya. Gusto ko nang makaalis sa ganitong klase ng buhay.
Sa ngayon magtyatyaga muna ako sa ganitong trabaho. Paminsan minsan, pumipikit na lang ako at nagdarasal para mawala ang sakit ng ulo na dulot ng buhay kong mahirap at masaklap na kapalaran. Tuwing gabi, kinukuha ko naman ang dalawang kahon ng stickers na aking ginugupit at binabayaran akong 300 pesos tuwing matatapos. Sa bawat oras ako ay nanggugupit at walang bakante. Ito rin ang aking nagmimistulang almusal dahil kadalasan ako’y hindi nag-aalmusal. Hindi ito makakain ngunit malalayo ko ang isip ko sa gutom. Ako ngayon ay parating nakamulat at dapat gising. Parating natatakot sa maaaring ikahihinatnan ng aking buhay. Nakilala ko sa Makati ang dalawang taong matagal ko ng hindi nakikita. Sa kanila ko nakita ang magandang halimbawa ng mahirap dati na sumasama ang ugali at ang mayaman na ubod ng bait. Kaunti lamang ang tulad ni Rey na dati ring mahirap ngunit siya ay isang tunay na mabuting tao na ngayon ay mayaman na. Minsan ang ugali wala rin sa katayuan sa buhay. Kagaya ni Troy na sumama na ang ugali porke’t yumaman at umasenso na siya. Ngunit isang punto lang ang mahalagang malinawan ang lahat at ito ang makakapagsabi sa tunay na buhay ng Mahihirap. Ang mga mahihirap, masama man ang kanilang ugali o hindi, sobra na talaga ang kanilang pagkagutom at pagkapagod. Wala sanang nasasayang. Naalala ko ang napanood ko sa TV. Si “John Paul”, isang paslit na nagpupunas ng paa sa loob ng Jeep. May kaya dati ang kanilang pamilya ngunit namatay ang kanyang magulang, kaya’t siya ngayon ay nag-iisa na lang. Masaklap ang aking kapalaran ngunit may iba pa palang katulad ko.
Tuwing Linggo, panay ang aking dasal. Kapag ako ay nagpapahinga, ako ay nagdarasal. Kapag ako ay kumakain, ako ay nagdarasal. Parati kong kausap ang Diyos at parati ko ring kausap ang aking mahal na Mama. Sana ay umayos na ang aking buhay. Sana umayos na ang buhay ng bawat Pilipinong katulad kong nakikipagsapalaran sa hirap ng buhay. Sana, walang buhay ang nasasayang. Sana walang taong nagsasayang ng kanilang buhay dahil ang sa inyo’y basura, sa iba ito ay kayamanan na. Maraming uri ng kayamanan at lahat ng ito ay hindi dapat nasasayang. Hindi mo malalaman ang totoong kahulugan nito kung ikaw mismo ay hindi mo mararanasan.

July 23, 2007

Si Leonard

Si Leonard ang aking nakababatang kapatid. Siya ang aking responsibilidad. Sa kanya ko nakikita ang pag-asa naming tatlo. Ang Boss ko na may simpleng negosyo at trabaho ay nahihirapang ipagamot ang kanyang mga magulang tuwing sila’y magkakasakit. Paano pa kaya kami, kung magkaroon ng malalang sakit ang Papa? Sa amin, kapag ang Papa ay nagkakasakit, humihingi na lamang kami ng tulong sa kapitbahay na nagbibigay ng mga gamot na maaaring ipalit sa gamot na nabibili sa mamahaling bilihan. Hindi nagtinda ng isaw at paa ng manok si papa kagabi dahil sa nanghihina ang kanyang likuran. Sa aking balikat lahat ng bigat ng aming problema sa bahay. Sinabihan ko si Leo, “Mag aral ka ng mabuti para matulungan mo si Papa.” Kinausap ako kagabi ni Leo tungkol sa kanyang kaibigang niyaya siya dahil parati raw nananalo ito ng pera sa sabungan ngunit agad ko siyang binara at sinabihang hindi kami kalian man magsusugal. Maliit pa si Leo nang mamatay si Mama. Tinatanong ko siya kung minsan, “Naaalala mo pa ba si Mama?”. “Kaunti lang” ang sagot naman niya. Hindi ko malilimutan yung panahong binubuhat niya si Leo sa kanyang kamay at dinuduyan. Kamukha raw ni Leo ang Mama, sila raw ang magkahawig sabi niya. Sa una’y nalungkot ako dahil hindi na ako ang paborito ng aking Mama, ngunit ng tumagal, natutunan kong mahalin ang bunso kong kapatid. Pinapagalitan ako ni Mama kapag nadarapa siya at hindi ko siya dinadampot. Tahimik na bata si Leo. Karga karga ko siya noong namatay ang Mama, hindi kasi siya humihinto sa kakaiyak dahil hinahanap niya ang Mama. Siya ang kamukha ng Mama ko, sa kanya ko na lamang ulit nakikita ang aking mama. May kaunting larawan lang kasing naitabi si Papa ni Mama, dahil ang karamihan ay inangkin ng Lolo at Lola.


Buhat noong namatay ang Mama, hindi ko pa naramdaman na ako ang magaalaga kay Leo maliban sa natatanging panahong ako’y naging tunay na niyang kuya. Pinatawag ako noon sa School niya noong siya’y Grade 5 pa lamang. Nakipagsuntukan daw siya sa kanyang mga kaklase at siya ang tinuturong nagpasimula ng away. Kinakampihan ng Guro nila ang kanyang mga kaklase at ako lamang ang nagiisang kakampi niya sa buong klase nila! Gusto na siyang patalsikin ng Principal niya. Mas kayang tiisin ng Principal na isa ang mapatalsik at hindi tatlo. Si Leo at ang mga kaaway lamang niya ang tanging nakakaalam na hindi siya ang nagpasimula ng away. Nagimbestiga ako at tinanong kung ano ang sanhi ng gulo. Lahat sila, ang sinasabi ay si Leo raw ang nagpasimula, binato raw niya ang calculator ng isang guro sa mukha ng kaaway niyang si Ramil kaya daw ito nasugatan at nasira ang calculator. Ang sabi sa akin ni Leo, nahulog daw ang calculator nung magsimula silang magsuntukan dahil nakalagay ito sa itaas ng cabinet na kanilang tinamaan. Pinapabayad kasi sa amin ang nasirang calculator. Ayon kay Leo, nakuha raw ni Ramil ang sugat nya nung matamaan siya ng suntok ni Leo at bumagsak siya sa kinalalagyan ng calculator. Nagsimula raw ang away dahil ininsulto siya ng kaklase nya na pilay at lampa raw ang kanyang tatay tulad nya. Gumanti lamang raw ito ng salita sa kanya pero sinuntok siya ni Ramil at doon nagsimula ang away. Hinanap ko ang guro na may ari raw ng Calculator at sinabi niyang nakita niyang pumasok sa kwarto ang apat na estudyante at kalalagay lamang niya ng calculator niya sa ibabaw ng cabinet. Salungat ito sa sinasabi ng kaibigan nilang saksi na binato ni Leo si Ramil ng calculator galing sa labas ng kwarto. Nalaman nilang inosente talaga ang aking kapatid ng may magsabing nakita nilang lumabas lamang si Leo sa kwarto nung tapos na ang laban. Naniwala na ang Prinsipal sa amin dahil nalaman niyang nagsinungaling ang kaaway niya, humingi ng tawad sa akin ang Prinsipal ngunit kailangan pa rin daw masuspinde at parusahan si Leo sa kanyang ginawa. Ang kanyang mga kaaway ay hindi nasuspinde. Isa lamang ito sa mga insidente na nakita kong dahilan kung bakit sinusubukan niyang maging matigas sa lahat ng bagay. Ibang iba ang ugali ni Leo sa akin, siya ay talagang lumalaban at madaling maginit ang ulo. Mabait naman si Leo at madalas ko siyang yayaing magsimba para tuwing linggo may oras kami sa isa’t isa. Nagtatampo ako sa kanya kapag hinahanap niya ako dahil lang sa humihingi siya ng pera sa kanyang mga gastusin. Ibang iba na ang ugali ni Leo, hindi na katulad ng dati na medyo mahihahambing mo pa sa amin ng Papa. Hindi na kasi niya inabutan ang marangyang buhay namin dati, masyado pa siyang bata noong nakatira kami sa malaking bahay.



Nagkita kami kalian lang at pinagusapan namin ang mga plano namin sa buhay. Masyado akong abala dahil sa naghahanap rin ako ng mas magandang trabaho. Ang hirap nito, kahit na handang handa ka sa trabahong papasukan, ang nag-iinterview ay hindi naiintindihan ang iyong sitwasyon. Nagpunta ako sa malayong lugar para mag-apply at nalaman ko na lamang doon na bukas pa papasok ang magiinterview sa akin. Mababawasan na ang sahod ko sa pag –absent, napagastos pa ako ng malaki sa pamasahe at lalo pa akong sisiraan ng kasama ko sa trabaho dahil magiging dalawang araw ang aking absent. Hindi kasi pwedeng mag-apply ng Sabado at Linggo. Ang mga napapasukan ko naman, mas gusto pa nila sa mga mayayamang magaling lamang magsalita kaysa sa mga taong ginagawa nila ang lahat at binubuhos ang galing sa trabaho. Hindi ko na pwedeng galawin ang ipon ko para sa pagpapaaral kay Leo. Sa hirap ng buhay, kami ay patuloy na nagdarasal sa may kapal para kami’y kanyang tulungan.



Binanggit sa akin ni Leo noong Linggo lamang na may nakilala na siyang babae na sa tingin nya ay mahal na raw talaga niya. Ganito ang aming usapan.



Leo: “Kuya may nililigawan na ako, parang gusto rin niya sa akin. Maganda siya kuya, mabait at masipag mag-aral.”

Anton: “Gusto ko sana hanggang kaibigan muna kung pwede. Isipin mo sana ang plano namin ni Papa sa iyo.”

Leo: “Mahal ko na siya Kuya.”

Anton: “Naku wag ka ngang gagaya sa mga kaklase mo dahil iba ang buhay nila sa buhay natin.”

Leo: “Kasi sa kanila, may computer sila, pwede akong makigamit ng computer at makapagreview gamit ang mga libro nya. Kung hanggang kaibigan lang kami, paano na lang pag nagkaboyfriend na agad siya? Paano na ako? Mahal ko na siya kuya. Makakatulong pa siya sa akin sa pagaaral ko.”

Anton: “Tinanong mo na ba siya kung may nararamdaman siya sa iyo?”

Leo: “Gusto raw niya ako kuya”.

Anton: “Ayaw kong maghimasok sa pribadong buhay mo, pero ayaw lang kitang masaktan. Naniniwala akong kung sasagutin ka niya, iiwan ka rin niya pag dating ng panahon. Dapat handa ka dyan, dapat alam mong mahirap lang tayo at magiisip isip yan baka iwan ka niya. I-priority mo ang pag-aaral mo para umasenso ka pagdating ng araw.”

Leo: “Sige kuya, puntahan ko pa siya.”

Anton: “May pera ka?”

Yan parati ang tanong ko sa kanya, kung siya ay may dalang pera. Nagugulat kasi ako dahil kahit hindi ko siya binibigyan ng pera, may pera siyang hawak. Minsan pala malakas kumita si Papa at binibigyan niya si Leo dahil di marunong tumanggi si Papa sa kanyang mga anak. Sinabi rin niya sa akin na pagkatapos ng Eskwela tumutulong siya sa negosyo ng kaklase niya na pagtitinda. Hindi raw ito drugs o masamang bisyo pero nakakapagod. Gusto ko siyang makapagaral ng mabuti, at sana ang problema na lamang niya ay ang pag-aaral niya. Nang mawala si Mama, ako ang nagmistulang Nanay niya. Ako ang nagplaplantsa ng kanyang Uniform at naghahanda ng kanyang baon sa eskwela. Katulad ng ibang mga kabataan, si Leo ay may pagkarebelde rin. Minsan sinisigawan niya ako at lumalaban sa gusto ko. Hindi ko siya nilalabanan, pinapakita kong kaya kong maging mahinahon kahit sa ganyang mga bagay. Kahit na sinisigawan niya ako, mahinahon ko siyang kinakausap. Minsan tinanong niya sa akin, “Paano mo nagagawa yan?” Bigla kaming natawa kahit na nagtatalo kami, ang sabi ko sa kanya … “Pinangako ko kasi kay Mama aalagaan kita katulad ng pagaalaga niya sa iyo. Ganyan si Mama sa iyo noong musmos ka pa. Binibigay niya ang gusto mo at pinapatahan ka niya.” Unti unti nang nawawala ang pagiging rebeldeng bata ni Leo at patuloy na siyang nagiging tunay na binata. Siya ay maunawain at mabait, hindi ko siya kayang ipagpalit. Kaming dalawa ay nagtutulungan para umasenso ang aming buhay.



May 8, 2007

Ang Tatlong "M"

Nais kong ibahagi sa inyo ang buhay ng tatlong malalapit kong kaibigan. Si Mang Mario, Michael at Manuel. Sila lamang ang mga nakilala kong mga taong tunay na maipagmamalaki kong kaibigan.

May pagkakahalintulad ang nangyari sa buhay ni Mang Mario sa aking buhay. Siya ay isang Janitor na matagal nang naninilbihan sa pinanggalingan kong kumpanya. Malakas pa siya noong siya’y mabata-bata pa ngunit ngayon pawang nanghihina na rin ang kanyang mga tuhod at braso. Wala siyang kakainin kung hihinto siya sa pagtratrabaho. Isang mabuting ehemplo si Mang Mario sa lahat ng nakakasama niya, parang isang tatay sa lahat ng malapit sa kanya. Totoong naging tatay siya matagal ng panahon ang nakakalipas. Dati siyang may negosyo, isang mamihan at isang pwesto sa palengke. Malakas raw siyang kumita dati at napapagaral niya ang dalawa niyang anak. Nakikita ko sa kanya ang aking Papa sa iba’t ibang paraan sapagkat dalawa ang kanyang naging anak at napakabuting tao niya. Malas ang inabot niya nang siya’y magkasakit. Walang babaeng pwedeng magaruga sa kanya dahil iniwan siya ng kanyang asawa; may nakilala kasi itong iba na pwede siyang payamanin. Pinili ng dalawa niyang anak na sumama sa kanya. Dalawang binata ang tumutulong sa kanya sa negosyo. Makalipas ang ilang araw ng kanyang pagkakahiga ng matagal, ipinasara ang kanyang mamihan dahil ginamit na ang pwesto nila ng may ari ng pwesto at wala na raw silang balak iparenta pa ito sa kanila. Malakas kasing kumita ang mamihan nila at naiingit ang may ari ng pwesto. Nagtayo rin daw ng mamihan ang may ari ng pwesto ngunit walang kumakain sa kanya dahil hindi kasing sarap ng kanyang luto ang gawa nila. Nilapitan pa siya ng may ari para tanungin sa kanyang sekreto sa pagluluto ng Mami at Lugaw ngunit nabigo ito. Hindi na raw niya kayang buhayin pa ulit ang mamihang itinayo niya sa ibang lugar. Nang umayos na ang pakiramdam niya, nanakawan pa siya ng perang inutang lamang sa kanyang pwesto sa palengke. Nagtitinda sila ng gamit pansuot at iba’t ibang palamuti sa palengke. Isinara na rin niya ang pwestong hawak niya. Ang natitirang ipon niya ay napunta sa pagpapaaral ng kanyang mga anak. Doon siya nagsimulang magtrabaho bilang empleyado at umabot ng tatlong taon bago niya mabayaran ang utang niya. Marami rin sa kanyang kagamitan sa bahay ang ibinenta na. Wala siyang tinapos na kurso kaya kinuha agad niya ang trabahong kayang ibigay ng sino mang pwedeng tumanggap sa kanyang naghihina nang katawan. Kaawa awa siya sa kanyang mga naranasan. Nasubukan na niyang maging hardinero sa isang mayamang pamilya ngunit sandali lamang ito at naging janitor siya sa isang maliit na kumpanya. Nasubukan niyang hindi mabayaran ng dalawang buwan na sahod. Dahil dito napilitan din siyang maghanap ng pang-gabing trabaho. Nagtrabaho siya sa isang Night Club at doon siya ay napahirapan. Gabi nang siya’y magulpi ng mga pumapasok na customers dahil pinalitan niya ang Waiter na absent at may nagkamali siyang naibigay na pulutan. Namatay ang panganay niyang anak dahil sa appendicitis at sa kabila ng lahat naging matibay ang kanyang puso para sa kapakanan ng kanyang bunsong anak. Pinanood niyang namatay ang anak nito dahil nahirapan siyang kumuha ng tulong. Minsan nakasagutan niya ang kanyang anak na bunso dahil sa hindi niya ito mabigyan ng pera. Mahal raw siya ng bunsong anak niya at bihira lang silang magkasagutan. Dadalawin raw nito ang nakilala niyang babae sa Cebu at humihingi lamang ito ng 500 na pandagdag sa kanyang pamasahe ngunit pagkatapos ng insedenteng iyon, di na niya alam kung nasaan at kung ano ang nangyari sa kanyang anak. Hindi raw siya nagiwan ng pagbilin kung saan siya pupunta at kung may telepono sa pupuntahan niya, bagkus bigla na lang itong nawala at di na bumalik.

Magaling makisama si Mang Mario. Siya ay tunay na tao at hindi marunong magsinungaling. Hindi siya marunong magdaya at manamantala ng kapwa sa kabila ng kanyang kahirapan. Bigyan sana natin ng galang ang mga taong katulad ni Mang Mario. Siya ay likas na kagalang galang at napagpakumbabang tao.

Si Michael ay isang malapit kong kaibigan. Nagtratrabaho siya sa isang fastfood restaurant at ngayon ay malapit na siyang sisantehin. Nagkikita kami paminsan minsan para magkamustahan sa mga nangyayari sa aming buhay. Wala raw siyang kasiguraduhan sa buhay niya, sa kanyang hinaharap. Minsan sa kalagitnaan ng gabi, napadalaw ako sa kanya at pinaupo niya ako sa isang mesa kung saan ang isang customer ay iniwang hindi kinain ang isang pirasong manok. Dadamputin na lang sana niya kung hindi ko tinapik yung kamay niya.

“Bakit?” ang sabi ni Michael sa akin.

“Bakit? Nasisiraan ka na ba ng bait?” ang sagot ko kay Michael.

“Sayang naman ito, di ko naman nakitang hinawakan ng may-ari” ang sagot niya. “at wala namang nakakakita ikaw lang.”

“Respeto sa sarili, Michael. Respeto sa sarili.” Ang sinagot ko sa kanya at binitawan niya ito at inilagay sa basurahan.

Sinabi ko sa kanya yun hindi dahil sa hindi karesperespeto ang mga kumakain ng tira kundi upang bigyan siya ng pagkakataong suriin ang kanyang sarili at huwag tanggaping hanggang dun na lamang siya habang buhay. Gusto kong maging mataas ang tingin niya sa kanyang sarili dahil siya ay tunay kong kaibigan.

Inamin niya sa akin na madalas siyang maguwi sa bahay ng tirang mga pagkain. Minsan nagpapanggap siyang ibibigay niya ito sa aso nila. Paano na lamang raw sila mabubuhay kung walang natatabing ipon at di nila pagmamay-ari ang kanilang inuupahang bahay. Nangungupa lamang sila ng bahay na mas maliit pa sa aming bahay sa isang squatters area. Mabaho na at marumi pa ang kanyang lugar. Masama ang ugali ng mga tao sa kanilang lugar dahil lamang sa nagaagawan sila sa maraming bagay: katulad ng pwesto, sampayan, lapagan ng upuan, labahan, paliguan, tindahan at marami pang iba, pagkain, tubig, alak, ilaw at ang iba pati ang basura ay pinagaawayan. Maraming nagsasabi sa kanyang bakit raw siya umalis ng probinsya at nanirahan sa Maynila. Sinabi niya sa akin na wala na raw talaga siyang pag-asang mabuhay sa probinsya nila. Noong bata raw siya nagtitinda siya sa dagat ng kwintas at walang bumibili sa kanya dahil maraming iba pa ang nagtitinda at mas matangkad pa sa kanya. Ang mga nasa bus raw ay binabato pa sila ng tirang pagkain at tinatawanan pagkatapos. Nagkwekwento siya sa akin tungkol sa dagat na kanya raw pinananabikang makitang muli. Ako, hindi pa ako nakakita ng dagat sa buong buhay ko kaya hindi ako nananabik sa dagat. Sa telebisyon ko lang nakikita ang dagat. May nobya siya at tatlong taon na silang nagsasama. Katulad ko, naglalakad siya ng napakalayo bago makaabot sa kanyang pinagtratrabauhang fastfood restaurant. Kapag may pupuntahan kasi kami kahit na napakalayo nilalakad na lang namin. Kaya naituring ko itong tunay na kaibigan dahil kahit tambak ang kanyang problema, hindi niya pinapatulan ang pag-tutulak ng shabu o ang pagnanakaw.

Si Manuel ay ang kaibigan kong may kaya sa buhay. Nakilala ko siya noong kami’y katulad nilang nakakapag-aral pa at nakakapasyal sa iba’t ibang lugar. Nakita ko siya sa isang Mall at binati ko siya. Sa una binigyan niya ako ng masamang tingin. Nalungkot ako dahil parang iniiwasan niya ako sa kadahilanang kasama niya ang kanyang magandang nobya. Maya’t maya pa habang kinakain ko ang tinapay na binaon ko sa foodcourt, lumapit siya at binati ako. Nagulat naman ako sa kanyang tapik sa aking balikat. “Anton! Di kita nakilala kanina ah! Pasensya na, kamusta na pare?” Pinaliwanag ko sa kanya lahat kung bakit ko siya binati. “Ayos lang yun! Kamusta ka na ?” ang patuloy niyang pagbati. Pinaliwanag ko ang mga nangyari sa akin. Nagulat siya nang malaman niyang namatay na ang Mama. Paborito raw niya ang brownies ng Mama ko. Di ko naman nakakalimutan iyon dahil parating yun na lang ang sinasabi niya. Ingles niyang sinabing,

“Sorry to hear that.” at patuloy niyang tinanong “Saan ka ngayon? Where do you work?” sinagot ko siya.

“Computer shop”

“Ayos yan, business minded ka pa rin.” Ang sagot niya.

“Hindi, nagtratrabaho lang ako dun. Mababa lang ang sahod ko.”

Napaatras siya sa gulat. Napasabi siya ng “Oh” at napatingin sa marumi kong paa at lumang sandals na aking suot. Bigla niyang napagisip isip na malaki ang pinagbago ko simula noong huli niya akong nakita. Hindi yata siya makapaniwala sa sinapit ng buhay ko.

Matapos ang mahaba habang usapan, umalis na siya at nagpaalam sa akin. Tinanong niya ang cellphone ko ngunit ibinigay ko na lamang nag e-mail ko sa kanya. Binigay niya sa akin at ipinilit i-abot ang chocolates na M&M bago siya umalis. Tumanggi akong tanggapin ito ngunit mapilit talaga siya at nagpasalamat na lang ako. Ibinulsa ko ito para ibigay kay Leo pag uwi ko sa bahay dahil sabik siya sa chocolates.

Nakilala ko si Manuel noong kami’y Grade 5 pa lang. Natikman niya ang brownies ng Mama ko sa aking lunch box at madalas ko siyang ilibre sa canteen. Noong may humahamon ng away sa kanya ako ang pumagitan para ipagtanggol siya. Kaming dalawa ay parating napagkakamalang nangongopyahan sa Filipino subject dahil madalas ay pareho kami ng grado dahil sabay kami kung magreview sa kadahilanang wala siyang libro. Mataas parati ang nakukuha naming grado at kadalasan ay magkatugma. Kasama ko siya noon sa daan nang bigla siyang sunduin para kunin at ipinaalam niya sa akin ang dahilan kung bakit. Muntik nang magahasa at matangay ang kanyang ate habang pumapasok sa eskwela. Maaaring kalaban daw sa negosyo ng kanyang tatay ang mga salarin. Sa eskwela ko nalaman ang tunay niyang pagkatao. Madilim ang Science Lab namin nung may kinuha akong libro na pinapakuha sa akin ng isa naming guro. Napagbintangan ako ng apat naming kaklase na nagbasag ng tatlong Beaker at limang Test Tube dahil ako raw ang huli nilang nakita. Si Manuel ay tumayo at itinuro ng takot na takot ang apat na kasabwat. Pagkatapos nun, nakita ko siyang may pasa sa ilalim ng kanyang binti dahil raw sinumbong niya yung apat na nagsabing gugulpihin nila siya kapag nagsumbong siya. Si Manuel ang pinagalitan ng aming guro at hindi ang apat naming kaklase dahil mga makapangyarihan ang mga magulang nila. Madalas ko siyang makalaro ng Chess at Basketball. Huli ko siyang nakita pagkatapos nito ay noong bago sila lumipat sa Mindanao para doon makikipagsapalaran ang kanyang tatay. Si Manuel ang kaibigan kong sacristan. May takot sa Diyos si Manuel at hindi ko siya nakikitang magiging masamang tao siya. Malaki na ang kanyang pinagbago ngayon sa kanyang pisikal na kaanyuan, pananalita at ugali.

Sila ang tatlo kong kaibigang nakilala sa aking buhay. Malaki man ang mundo para kilalanin lahat ng taong katulad nila, ngunit sa tatlong taong ito nakikita ko ang pagkakapareho ng mga taong may mabuting puso’t isipan.

April 2, 2007

Ang Poot na Sinapit ng Aking Ama

Katulad ng aking Mama, mahal kong kapantay ang aking Papa. Maliit pa raw ako noon nang piliting mag-abroad si Papa ni lolo Leo (kung kanino ipinangalan ang aking kapatid). Ayaw man ni Mama, sumunod na lamang si Papa sa kagustuhan ni Lolo dahil sa paniniwalang matatanggap na nila siya kung siya ay susunod sa kagustuhan nilang mag-abroad siya. Ang Saudi lamang ang tumanggap sa kanya. Ang Visa na ibinigay sa kanya ng kaibigan ng pinsan ni Lolo ay peke. Niloko siya ng kapwa niya Pilipino. Nasa Pilipinas pa lamang si Papa sinigurado niyang hindi ito peke ngunit nalaman na lang niyang peke ito pagdating niya ng Saudi. Sa Saudi Arabia, madaling makapasok ngunit napakahirap makalabas. Alam niyang pahihirapan siya kapag nalamang peke ang kanyang Visa. Marami siyang katulad na nabigyan ng pekeng Visa, ngunit kaunti lamang silang nagdesisyong magtrabaho na lang upang makapagipon na dahil nandun na rin naman siya. Pagkalipas ng dalawang taon, nagdesisyon na siyang umalis. Nauna na niyang pinadala ang gamit niya bago sila (ng kanyang mga kasamahang Pilipino) ay umalis patungo sa pagsuko. Minabuti nilang magpanggap na Muslim upang mapadali ang kanilang pagalis. Marami siyang pinagdaanan bago makalabas ng Saudi. Napakahirap ng makulong at mahampas ng pamalo at hindi kumakain at umiinom ng ilang araw. Nakakaawa rin ang ibang lahi tulad ng mga Bumbay. Binibilad sila at pinapahirapan sa init ng mga bumihag sa kanila. Ang isa sa mga lalaking kasamahan nila ay nagahasa pa ng isang Arabong pulis. Ang mga ito ay patuloy pa ring nangyayari sa kasalukuyang panahon. Natakot raw siyang hindi na kami Makita pa ulit at gusto na niyang mamatay sa pagkakabihag doon. Mabuti na lang at nagdesisyon siyang magtrabaho muna at magkapera bago isuko ang sarili dahil sa prosesong iyon, marami kang lalagayan ng pera na mga kapwa mo ring Pilipino na nagtratrabaho sa ating Embassy doon upang makauwi ka ng maaga. Sa totoo, libre dapat ang pamasahe ngunit naniningil pa rin sila. Ang mga walang pera at sumuko agad, sila ang mga kawawang hindi maka-alis alis doon. Naubos ang kanyang dalang pera sa bulsa. Alalang alala raw ang aking Mama noong nasa Saudi siya. Pasalamat na rin si Mama at nakauwi pa ang aking Papa. Hindi na siya ulit babalik sa lugar na yun. Dumating siyang pilay ang kaliwang kamay dahil sa mga hampas ng pamalo. Nagalit si Mama noon sa Lolo dahil kasalanan ni Lolo ang lahat ng ito. Wala raw magawa si Mama kundi umiyak. Matapos nito sumali si Papa sa Militar. Lumipas ang maraming taon at pabago bago ang nangyari sa kanyang buhay. Nang maaksidente si Papa, hindi na siya muling naging masayahin. Nawala na rin ang dating malakas niyang loob nang pumanaw ang Mama, ngunit ang kanyang talino at kaalaman sa buhay ay buong buo pa. Tumatanda na si Papa, kailangan ko na siyang palitan. Nakakaawa siyang makitang nagiisa. Wala na si Mama na dati'y naaalala ko kung gaano sila maglambingan. Mahal na mahal nila ang isa't isa at sa tingin ko'y di nila inasahan ang lahat ng ito. Si Papa ang nagsisilbing gabay ko sa buhay. Marami kasi siyang kaalaman na maaari kong magamit. Maraming dinaranas ang mahirap na Pilipino na hindi nalalaman ng mayayaman nating kababayan. Ang totoo ay hindi natin alam kung kanino pwedeng mangyari ulit ang mga ito. Pinagiisipan ko rin kasi ang pag-aabroad. Bakit ganito ang bansa natin? Hinahayaan nating maghirap ang kapwa nating Pilipino at kailangan pang itaboy ang tao sa malayo at delikadong lugar upang pahirapan pa lalo? Sa buhay ngayon, dapat mag-abroad ka o kaya magnegosyo upang lumaki laki ang iyong kita. Ang hirap nito, sa proseso ng paghahanda marami rin ang gustong sumipsip ng perang inihanda mo para sana sa negosyo o pag-a-abroad. Ang bawat Pilipino ay may kakilalang nakikipagsapalaran sa Abroad, malalaman mo bigla na pinagsasamantalahan lang pala sila ng mga kapwa nating Pilipino sa Gobyerno na dapat sila pa ang gumagawa ng hakbang upang tulungan ang mga ito.

March 16, 2007

Lalong Humihirap ang Mahihirap

Sa kabutihang palad, may nakaibigan akong kapwa kong Janitor ang may kamaganak na may computer shop na malapit sa amin. Hindi ko na kailangan pang magjeep at maglalakad na lang ako tuwing umaga. Sa unang araw ko, masusi kong pinaghandaan ang araw na pagpunta sa computer shop ng kamaganak ng nakaibigan ko. Kinuha ko ang pinakamalinis at pinakamagandang polo ko na pinapahiram ko rin minsan sa aking kapatid na si Leo. 18 years old na si Leo ngayon pero next year pa lang siya magaaral sa Kolehiyo. Kailangan kong paghandaan ito at pagipunan. 6,500 ang ibibigay nila sa aking bayad bilang tagapagbantay ng computer shop. Malaki na ito, kahit na nakokonsensya ako dahil maliit na computer shop lamang ang pagmamayari ng taong may ari at doon pa sa di kilalang lugar.

Dito ako ngayon nagtratrabaho at sumusulat sa blog ko. Gusto kong i-share lahat ng mga naexperience ko sa buhay. Minsan ang buhay ay paiba-iba. Hindi mo alam kung kailan mangyayari sa iyo ang malas. Sa mga nagbabasa ng Blog na ito, sana tuwing may makakasalamuha kayong taong katulad ko, isipin ninyong lahat na ang tao ay may puso at pakiramdam, hindi lahat ng nakikita ninyo sa tao ay yun lang siya. Aralin ninyo muna sana ang kanyang pinanggalingan bago ninyo siya tratuhing parang sino lang. Sana maisip ninyo na ang ibang tao ay sobra ang pagtitipid na ginagawa para lamang mabuhay sila.

Bago ka tanggapin sa trabaho maganda dapat may kaya ka o mayaman ka, pero paano ka yayaman kung wala ka ngang trabaho? Bakit kaya iniipit ng mayayaman ang mahihirap? Bakit sila umiiwas sa ganitong usapan?

Sa buhay ko ngayon, iniisip ko kung ano kaya kung ito ay mangyari sa iba lalo na sa mga mayayamang mababa ang tingin sa aming mahihirap? Ano kaya ang gagawin nila? Hindi natin inaasahan ang mga pwedeng mangyari sa atin. Maraming pagkakataon sa buhay ko na tinanong ako kung gusto kong gumawa ng di dapat na maaari akong kumita ng malaki, pero tinanggihan ko ito. Tinanggihan ko dahil di ko nakakalimutan ang huling bilin ng Mama ko. Kaya kong umangat kahit na napakaliit ng butas na dapat pasukin bago umasenso ang taong katulad ko. Habang tumatakbo ang panahon, lalong humihirap ang buhay ngayon lalo na dito sa Metro Manila.

Sa mga taong magbabasa ng mga sinulat ko dito. Salamat sa inyong pagbabasa at basbasan sana kayo ng Poong Maykapal.

March 1, 2007

Buhay Mahirap at Mga Pangakong Hindi Natutupad

Bakit maraming taong nangangakong hindi tinutupad? Mahirap lang kami at hindi ko inaasahang mas maghihirap pa kami ng ganito. Mababa lang ang sahod ng aking Papa, samantalang ang aking naiipon naman ay napupunta sa aking kapatid na nasa High-School. Nasubukan na ba ninyong murahin at maliitin ng mga taong hindi naman karapat dapat na nanliliit sa inyo? Nasubukan ko na ring maging Janitor sa isang kumpanya. Kukunin ka ng isang Ahensya na babawasan pa ang napakaliit mong sahod. 4,000 lang isang buwan ang makukuha mo at makakarinig ka pa ng sigaw ng mga empleyado. Hindi naman sila mayaman, nag-a-aktong mayaman lang. Uutusan kang linisin pati ang ilalim ng mesa nila, kapag tumanggi ka at sinabing, “Hindi naman po ito parte ng trabaho ko, sa labas ako ng building taga-linis.” Isusumbong ka pa nila sa Ahensya at ang ahensya naman ang sisigaw sa iyo ng “kung di mo kaya ang trabaho mo, umalis ka dyan at kumain ka na lang ng buhangin.” Ang hirap pag-ipunan ng pinangaral ko ng 2-year course, ngunit pag pumasok ka na sa eskwela, hindi mo makukuha ang pinangako nila sa iyong makukuha mo. Madalas wala ang teacher, kung tuturuan ka naman ang alam mo na rin ang ituturo nila. Parang nagtapon ka naman ng pera mo sa school para lamang sa certificate na may hiwalay na bayad din. Pangkain na namin ng tatlong buwan ang presyo ng Certificate. Sinasabi nila na ang mahirap raw ay gigi o galunggong ang kinakain o tuyo, mali po sila dun. Ang mahirap po ay inuulam ang noodles na hinahati pa sa dalawa. Dahil sa hindi tamang pagkain lalo silang humihirap at mas hindi nila kayang yumaman pa. Sa awa ng Diyos, nakakakain pa naman ako ng galunggong at mga gulay. Iniiwasan ko na rin ang Sardinas pero madalas akong makakain ng sardines. Namamalengke akong magisa pagkatapos ng trabaho at dumidiretso sa Papa para kamustahin siya. Hindi mo alam kung gaano kahirap ang ganitong buhay. Sa school, kapag tinatanong ko kung kailan namin matututunan ang sinasabi nilang ituturo sa amin, ang maririnig mo sa kanila ay:

“Pag nagtrabaho ka na, ituturo rin sa iyo yan”

Sa trabaho hindi naman nila tinuturo din yan at sinasabi na lang nila dun na “Bakit di mo pa ba natutunan yan sa school mo?”

Dinadaya nila ang mga tao. Ang mga kapwa ko namang estudyante, porke sila’y mapera ang sabi nila “Ayos lang yan, pag nagkatrabaho ka aralin mo magisa o bumili ka ng libro” Samantalang ang sitwasyon nila ay iba sa sitwasyon ko. Kaya nilang bumili ng Computer at ako naman ay hindi. Nakapagtrabaho ako ng 2 araw sa isang computer shop kung saan ang mga kaklase ko ay naglalaro ng Counterstrike habang ako ay pasilip silip na tumitingin sa internet na maari kong matutunan sa pag-aayos ng sirang PC.

Maraming tao ang nangangako sa iyo na parang wala silang pakialam sa iyo dahil hindi nila tutuparin ang kanilang pangako. Sasabihin pa nilang, “Pumunta ka dito sa ganitong oras bibigyan kita ng trabaho” pupunta ka at wala naman pala sila dun. Ang pamasahe lang na ginastos ko ay higit pa sa pinambibili namin ng pagkain. Nasaan na ang mga puso ng tao? Nasaan na ang mundong alam ko? Sa Maynila, kanya kanya ang mga tao. Hindi sila nagtutulungan at nagbibigayan lalo na kung alam nilang mahirap ka lang.

Sa puntong ito ng aking buhay, malaki ang pinagbago ng aking kaanyuan. Napansin kong maitim na ang dating maputi kong balat at maraming tumutubong sakit sa kutis sa iba’t ibang parteng katawan. Kung makikita man ako ni Hannah, siguro’y di na talaga niya ako makikilala pa. Di ko na kasi kaya pang bumili ng magandang brand ng sabon at shampoo. Nilalakad ko ang araw sa tanghali, kung minsan di na rin ako sumasakay ng jeep. Nawawalan pa ng tubig sa amin, paminsan minsan naman sobrang hina ng tulo. Sinong gustong kumuha sa iyo sa trabaho kung ganito ang itsura mo? Nagawa kong makapagipon at makabili ng murang cellphone at nasisira sira pa ang nabili ko. Kahit saan may manloloko, nanlalamang at nagnanakaw hanggang may pagkakataon. Nawawala nang tuluyan ang mabuting asal nila. May mga magulang kaya ang mga taong ganun? Anong klaseng magulang kaya ang meron sila? Bumili ako ng cellphone noon, pang-apply ko sana kaso naholdup sa akin dahil naglalakad ako sa Gabi. Nahiwa pa ng bahagya ang bahagi ng tyan ko kahit na sinabi kong kunin na niya at kahit na nakayuko na ako. Wala rin akong sapat na pahinga, dahil sa gabi tumutulong pa ako sa pagtutusok ng isaw na tinitinda ni Papa. Gaas lang o kandila ang gamit naming ilaw kapag ganun para makatipid. Hindi na kami kinausap man lang nila Lola na sa ngayon ay sa States na nakatira. Ang kanyang mga anak naman, kasama na ang Tiyuhin kong nakasira ng aming kotse ang nagmana ng lupa nila dito sa Pilipinas. Wala na kaming ugnayan pa sa mga kamaganak namin kina Mama. Ang huling kita ko sa mga kamaganak ko sa aking Mama ay ang isang nagpakilalang pinsan namin na nakitulog sa maliit naming apartment. Anak raw siya ng Tita ko sabi ni Papa. Pag-alis niya tinangay niya pati ang Discman na niregalo sa akin ng Boss ko sa pasko. Hindi ko mabenta benta ang discman na yun dahil regalo siya, kukunin lang pala sa akin. Kapag mahirap ka lang, mas mabilis kang humirap dahil mas madaling pasukin ang iyong bahay, mas madali kang magkasakit at hindi ka madaling makahanap ng magandang trabaho. Dahil sa aking itsura’t anyo, hirap akong makuha sa trabaho. Hindi nila tinitignan ang galing mo kundi ang iyong kaanyuan at kung saang school ka nanggaling. Mahirap magtipid ng pamasahe sa pagpunta mo sa inaapplyan mo. Mahirap magutom habang nag-aapply dahil mapapagastos ka pa sa Jollibee. Burger na 28 pesos ang kadalasang almusal kapag nasa lugar tulad ng Makati at Ortigas. Katumbas ng limang meal ko sa bahay. Mahirap ring mapagod, dahil pag napagod ka, mauuhaw ka at magugutom ka. Kakalkulahin mo kung kalian ka sasakay ng jeep at kalian ka maglalakad. Kapag sa Jeep naman o Bus, lolokohin ka pa sa presyo at minsan kunwari mali pa ang sukli. Sa LRT naman pwede kang madukutan, samantalang ang mayayaman ay safe sa kanilang mga kotse.

Ang masaklap sa lahat ng nangyari sa akin sa parte ng buhay kong ito ay ang pagkakasangkot ko sa isang gulo. Napagkamalan akong kasama sa mga kabataan nanaksak ng kanilang kaaway sa aming lugar. Nakulong ako at tinakot ng mga preso. Sabi nila sa akin, “Pag dating ng gabi kawawa ka sa amin.” Buti na lang, bago dumilim ay may nagturo ng mga salarin at di raw ako kasama. Takot na takot si Papa nung nalaman niyang nakulong ako. Ang kinakatakot ko naman ay ang hindi matanggap sa trabaho dahil sa pagkakulong. Gusto ko nang kalimutan ang bahagi ng buhay kong ito. Ang maikwekwento ko sa inyo ay ang panahon na matanggap ako sa isang kumpanya bilang isang Janitor. Madalas akong pagkamalang nangunguha ng mga mamahaling gamit na nawawala ng mga empleyado. Hindi ko po magagawang magnakaw. Sa ngalan ng aking butihing ina, hindi ako magnanakaw ng kahit na ano man. Alam ko kung ano ang mali at tama. Kahit na mamatay pa ako sa gutom, hindi ko magagawang magnakaw. Ang mga nawawala ay mga gamit na pampaganda at mga accessories na ginagamit sa MP3 Player. Maraming napagbibintangan at karamihan sa kanila ay ang mga mabababang empleyadong katulad ko. Minsan sa isang tabi, napuna ako ng isang babaeng nagoopisina sa pinagtratrabauhan ko na tatawagin nating Yang. Nakita niyang hawak ko ang pilak na Rosaryong ibinigay ng aking Mama sa akin. Tinanong niya ako, “Saan mo nakuha yan ah!!!” na parang ninakaw ko ang hawak kong rosaryo. Ang sabi ko sa kanya, “Sa akin po ito, binigay ng nanay ko Ma’am.” Dinala pa ako sa HR para lang alamin kung totoong akin nga ang hawak ko. Pinahiya niya akong lubos pero hindi niya ito binawi. Nang malamang hindi ko ninakaw ang Rosaryong pilak, nagkaroon siya ng galit sa akin. Madalas na niya akong utusan at pagsigawan. Minsan pinapabuhat sa akin ang sobrang bigat na mga papeles at pinapababa sa building. Pagkatapos nito, tatawagan ako at ipapaakyat ulit na wala namang nangyari. “Janitor ka lang ah bakit panay tanong ka.” yan ang sasabihin sa iyo kapag tinatanong mo kung bakit. Dating nagtratrabaho sa opisina ang Mama ko at naging boss pa siya. Ano kaya kung mangyari rin sa anak niya ang nangyayari sa akin? Siguro namimiss ko lang ang Mama ko noong mga panahon na yun. Pag dating mo sa bahay pagod ka na at gutom, wala namang makain. Minsan kailangan kong lumabas at magdeliver ng personal niyang papeles gamit ang sarili kong pera para pampamasahe. Kahit nga sa pagkain tinitipid ko pero sila naman walang pakialam sa pagtitipid ko. Gusto nila Boss sila kahit hindi naman. Nireport na namin sa nakakataas pero walang nangyari. Kung nabubuhay lang sana ang aking Mama, hindi mangyayari lahat ito. Pero ginusto ng Diyos itong mangyari sa akin. Kailangan kong kayanin itong magisa. Isang araw, pagbukas ko ng bag ko sa trabaho nawala na ang Rosaryo ni Mama. Parang nahulog ang langit at lupa sa aking mga balikat! Nalungkot ako ng sobra sa pagkawala ng napakahalagang gamit sa akin. Dinadala ko ang Rosaryong iyon dahil mas pwede pa itong manakaw kung iiwan ko yun sa bahay namin. Ang kanta ni Mama na “Atin ku pung singsing” ay isang kapampangan tungkol sa singsing na nawawala. Yun ang unang pumasok sa isip ko. Kahit na anong alaga ko sa Rosaryo niya, nawala pa rin. Di ko kasi pwedeng isuot o ibulsa. Matapos nito, umalis na ako sa trabaho at naghanap ng iba.

Nasubukan ko ring magtrabaho sa isang Fastfood center. Grabe rin ang pagtrato sa amin ng mga nakakataas. Ang mga Manager, kapag umorder ka ng tubig na inumin kumukuha sila sa gripo kung saan kami naghuhugas ng kamay. Hindi ko kayang gawin yun, pero inuutos sa akin. Sana alam ninyo na ganyan ang nangyayari sa loob ng mga fastfood center.

February 28, 2007

Si Hannah

Si Hannah, ang dalagang pinuntahan ko sa Probinsya sa oras ng nagkasakit si Mama. Hindi niya iniintindi ang aking sitwasyon na noo’y di ko pa nakasanayan. Sanay kasi akong umaalis-alis ng may kasamang bantay. Magulo ang isip ko dahil sa sakit ng aking ina kaya’t di ko mabigay ang nais niya. Si Hannah ay isang ordinaryong probinsyana na ubod ng ganda. Malapit ko na siyang maging nobya ngunit ako mismo ay parang takot na matuloy ito dahil sa sitwasyon ng aking buhay. May Sakit si Mama at walang trabaho si Papa. Binenta na namin ang aming lupa sa Probinsya kaya’t sa Maynila na kami nakatira. Ang natitirang ipon ay nauubos rin sa aming Pag-aaral. Ayaw ni Mamang gastusin yun, ngunit mapilit si Papa. Mahal na mahal kasi ni Papa si Mama. Nung mamatay si Mama, tuluyan nang naging mahina ang loob ni Papa at nakakaawa siya.

Si Hannah, na anak ng isang mayamang businessman ay may pagkaluho rin sa buhay. Hindi niya ako gustong lumabaslabas ako ng madalas at tumawag sa Hospital sapagkat nandoon raw ako para suyuin siya. Maraming manliligaw si Hannah, ngunit ako lamang raw ang may pag-asa sa kanyang maging nobyo niya. Binibiro pa niya ako, “Excited ka na, sorry sinabi ko agad ang nararamdaman ko.” Kumakain kami sa isang restaurant noong palihim akong tumawag sa isang pay-phone at nalaman kong namatay na nga si Mama. Sa probinsya, kung saan inilibing ang aming ibang kamaganak, doon rin siya inilibing. Nung matapos ang libing muli kaming nagkita ni Hannah. Parang nagbabago na siya sa akin. Hindi na siya masiglang kausap sa telepono. Kung magkikita man kami’y aksidente lang at parang umiiwas na talaga siya. Pinuntahan ko siya isang araw at sa kanilang pintuan ako’y kumatok. Ang kuya niya ang nagbukas ng pinto. Sinabi sa akin ng kuya niya na “Umaasa ka pa bang magkabalikan kayo ni Hannah? Tingin ko kasi di ka na niya gusto.” Ganyan ang sinabi ng kuya niya kahit di ko siya naging nobya. Pagbaba ni Hannah sa itaas, nakausap ko na siya sa isang sulok ng bahay nila sa tabi ng banyo. “Anong ginagawa mo dito?” Ang tanong ni Hannah. “Dati pa naman akong nagpupunta dito eh, bakit ba? Bakit mo ako iniiwasan? Anong nagawa kong ayaw mo?” Ang sabi ko sa kanya. Hindi makatingin si Hannah sa aking mga mata. Bigla niyang sinabing, “May Boyfriend na ako.” Sa una’y nagulat pa ako sa pagsabi niyang may boyfriend na raw siya, ngunit napansin kong nagsisinungaling lang siya. Malinaw na iniiwasan niya ako dahil sa sitwasyon ng aking buhay. Mahirap na kami at di ko na siya kayang pasayahin. Hindi ko man siya naging Nobya, masaya naman kaming magkaibigan. Pero bakit bigla siyang nagbago? Anong kasalanan ko bakit nangyayari ito? Ilang sagli pa’t tumahimik ang paligid at ako’y nagbuntong hininga. “Lalabas ako sa bahay ninyo at paglabas ko hindi mo na ako ulit makikita sa loob ng bahay na ‘to. Hindi kita sinisisi sa desisyon mong hindi na makipagkita sa akin. Ang masasabi ko lang, magingat ka at magmahal ka sana ng tama.” Lumabas na ako at hindi na nagpakita sa kanya. Sa gabi ring iyon, pinalayas ako sa bahay ng Lola. Kalilibing lamang ng Mama at balik sila agad sa pagturing nila sa amin. Dinaanan ko ang puntod ng Mama at tinanong ko siya, “Bakit nangyayari ito sa atin? Ma, di na kita makikita ulit. Susubukan kong mamuhay ng matatag sa Maynila. Paalam na sa iyo. May babaeng nanakit ng puso ko ngayon. Alam kong marami pang ganito ang darating. Hindi na niya ako gusto dahil sa katayuan ko sa buhay. Siguro tama siya, baka madamay ko pa pati siya sa nangyayari sa akin.” Bago ako lumisan, pumunta ako sa tabi ng ilog kung saan ako dinadala ng aking ina.

Lumipas ang maraming taon, tinawagan ko si Hannah sa isang telepono. Nakapagtabi kasi ako ng 500 piso sa aking unang trabaho. Nagtrabaho ako sa Bakeshop bago ako nakapagaral ng 2 year course sa IT.

“Hello Hannah” ang unang sabi ko sa telepono.

“Sino ito?” ang sabi naman ng sumagot.

“Si Anton ito, sino ka?”

“HANNAH!!! TELEPHONE!!! ANTON DAW!!!”

Kinabahan ako nang sagutin ang telepono at sinigaw ang pangalan niya. Ang pangalan niya na aking iniisip isip hanggang ako’y tumanda. Tandang tanda ko pa ang usapan namin.

Hannah: “Hello, sino ito?”

Ako: “Hannah?”

Hannah: “Uy, kamusta ka na? Dapat di ka na tumatawag pa dito.”

Ako: “Kinakamusta lang kita. Iniisip kita palagi. Ikaw lang ang babaeng kilala ko sa buhay ko maliban kay Mama. Ikaw pa rin ang laman ng isip at puso ko. Corny pero ganun ko talaga katagal pinaghandaang sabihin ito sa iyo… Akala ko..
Hannah: Teka saan ka tumatawag? May boyfriend na kasi ako eh. Seaman siya kaaalis lang.

Aray. Masakit pakinggan, pero pinaghandaan ko rin pati ang sinabi niyang iyon. Wala naman na sa panahon ngayon ang ubod ng ganda at hindi nagkakaboyfriend agad.

Ako: Akala ko kasi babalik rin sa dati ang buhay namin. Nasa Bakeshop ako, gumagawa kami ng tinapay dito.

Hannah: Hindi ka na ba nag-aral?

Ako: Nagaral ako ng 2 year course. Ikaw?

Hannah: Kasalukuyan pang nagaaral.

Ako: Sana maging masaya ka sa buhay na pinili mo. Balik na pala ako sa trabaho.

Nakayuko akong bumalik sa trabaho. Umaga yun at Sabado, ngunit ang pandesal ay naglasang luha na galing sa aking mga mata. Kaya kong mabuhay ng walang pag-ibig. Mas mabuting magmahal kaysa namang di ako matutong magmahal man lang. Sa bawat poot may tamis. Dahil sa ganito, inisip ko na lang na pagbutihan ang aking trabaho at pagaaral.

Naging masaya kaya si Mama at Papa sa loob ng kanilang pagsasama? Kung magkatuluyan man kami ni Hannah, malamang iniisip niya na matutulad kami sa aking mga magulang. Ang babae ay mahirap intindihin. Misteryo ng panahon ang isip ng babae.

September 11, 2006

Si Mama ang aking Nanay

Paano magmahal si Mama? Ang pangalan niya ay Maria Christina. Ang pangalan na napakaganda para sa akin. Pinanganak siya kung saan ako pinanganak, sa probinsya ng Pampanga. Lumaki ako sa kanyang piling at pagaaruga. Tinanggihan niya ang Yaya na binibigay ni Lola sa amin. Ang kanyang lambing at mga ngiti ay nakakapawi ng sakit. Madali siyang matakot kapag alam niyang ako’y nagkakasakit. Nagkaroon ako ng bulutong noon at talaga namang alalang alala siya. “Ma, bulutong lang po ito nawawala rin.” Ang sabi ko sa kanya. Tuwing matapos akong magkasakit dinadala niya ako sa isang ilog at doon kami naglalaro kasama ang mga kapwa ko bata. Napakalinis ng ilog na yun. Parang relong huminto sa pag-ikot ang pakiramdam kung babalikan ang mga panahong iyon na kasama ko ang aking ina.

Pinakilala ako ni Nanay sa kapitbahay naming kaibigan raw niya simula noong maliit pa sila. Ang anak nito ay si Hannah na aking minsa’y minahal. Malapit na akong magbinata noong panahon na nakita kong umiiyak si Mama sa ilalim ng puno. Nagaway na naman raw sila ni Lola. Kung ang pinakasalan daw niya ay ang mayaman na kababata niya, hindi raw sana kami nahihirapan. Hindi ko alam na humihirap na kami at sinesekreto pa nila sa akin. Yun lang ang panahon na naaalala kong niyakap ko si Mama. Gusto kong ibalik yun kung pwede lang.

Naaalala kong nagising ako ng madaling araw dahil sinisigawan ni Lolo si Papa. Hindi pa rin nila matanggap na nakapagasawa ng mahirap ang aking Mama. Nangangatwiran si Papa pero hindi siya sadyang pinakikinggan ng mga kamaganak ni Mama. Mabait silang magbigay ng Material na bagay ngunit di sila marunong magbigay ng respeto at paggalang sa isang mabuting tao katulad ng aking Papa. Tiniis ng Papa ang mga batikos sa kanya. Biglang lumitaw si Mama sa gitna at pilit silang inaawat. Buntis si Mama sa mga panahon na yun sa aking kapatid na si Leonard. Si Leonard ay pinangalan sa Lolo ko dahil sa sila raw ang dahilan kung bakit nagawa pa nilang magsama ng aking mga magulang. Siyam na taon ang agwat ng aming edad.

Teenager na ako at malaki ang pangarap sa aking buhay. 16 years old ako at punong puno ng expectations sa hinaharap. Dito na nagtratrabaho si Mama sa isang opisina. Malapit na nga siyang maging boss at tumataas palagi ang sahod niya. Sa mga sumusunod na buwan naging Boss na siya. Nagiipon din siyang pangnegosyo namin pag dating ng tamang panahon.

Sa pinakamadilim na silid, sa bahay ng aking Lola ang pinakamadilim na yugto sa aking buhay. Naririnig kong nagbubulungan ang mga tao sa labas ng kwarto ngunit ayaw kong lumabas dahil gusto kong isurpresa ang aking kapatid pagpasok niya ngunit ang pumasok ay ang Papa na namumula ang mga mata. Umupo siya upang pumantay sa akin at hinawakan ako sa aking mga balikat at sinabing, “Anton, anak… May sakit si Mama mo, hindi raw ito kayang gamutin. Sama ka sa akin at ipagdasal natin siya.” Nakaupo ako sa Simbahan habang nagdarasal ng Rosaryo si Papa at ako’y nagmamaliw maliw, iniisip ang kalagayan ng Mama. Iniisip ko rin kung ano ang una kong sasabihin kapag kami’y magkikita. Cancer ang sakit ni Mama. Dahil sa sakit na yan, napilitan kaming ibenta ang bahay sa Probinsya at bumili ng maliit na bahay sa Maynila upang mapalapit sa Magandang Hospital. Iniwan na rin namin ang apartment na inuupahan. Naubos rin ang kanyang inipong pera, dahil ayaw kaming tulungan ng iba naming kamaganak. Umabot sa puntong hindi na namin kayang magbayad kaya pati ang maliit na bahay ay ibinenta na rin. Umuupa na lang kami ng maliit na bahay.

Pasko ng pagkabuhay, ng ang aking Mama ay pumanaw. “Alagaan mo ang kapatid mo at Papa mo, maging matatag ka. Hindi mo kailangan ng ibang tao Anton, ikaw ang may hawak sa tagumpay mo. Ang sarili mo lang ang makakatulong sa iyo. Tibayan mo ang loob mo! Manalig ka sa Diyos, hindi ka niya pababayaan” Ang mga huling binitawan niyang salita sa akin. “Pangako Ma, hindi ko bibitawan ang iyong salita. Gagawin ko ang bilin mo.” Ang sagot ko sa kanya. Namatay siya isang araw pagkatapos ko siyang makausap. Gumagaling na raw kasi siya sa panahon na yun. Hawak ko noon ang kanyang rosaryong gawa sa pilak na ipinamana sa akin. Bumalik kasi ako sa Probinsya ng isang araw lang upang balikan ang isang dalagang minsan nang nagpatibok ng aking puso. Namatay si Mama na wala ako sa Hospital, samantalang ako’y masayang kasama ang babaeng akala ko’y kaya akong mahalin ng pantay. Si Mama ang madalas na nagsasabing “Pag nadapa ka, bumangon ka sa sarili mong paa.” Parang alam na niyang iiwan niya kami sa murang edad.

Tinitibayan ko ang aking loob dahil dito. Hindi ko gustong pabayaan ang pangakong binitawan ko sa kanya. Kasama ko siya kahit saan ako magtungo, kahit anong hirap ang danasin, kahit sa oras pa ng kamatayan. Nanay raw dapat ang tawag ko sa kanya sabi ni Papa ngunit mas gusto ni Mama na ang tawag namin sa kanya ay “Mama”.