Ang aking Mama ay isang mabait na ina, masipag, malambing, at maaruga. Nakilala siya ng aking Papa sa eskwela. Mayaman sina Mama samantalang si Pa ay mahirap lang. Sa simula pa lamang ayaw na sa aking Papa ng mga magulang ni Mama. Sa tanan nauwi ang kanilang pagmamahalan at sa Baguio ako nagsimulang umusbong sa sinapupunan ng aking butihing ina. Sa mga kwento kwento, si Pa raw ay kumuha ng dalawang trabaho para mapuspusan ang pagaalaga sa aking Mama. Sa huli’y hindi na hinintay pang bumalik ng aking mga lolo’t lola ang aking Mama. Napilitan silang ipakasal ang dalawa kahit na tutol sila sa aking Papa. Hindi na tuluyang nakapagtapos si Papa samantalang si Mama naman ay nakatapos ng Nursing.
Binigyan nila si Mama ng Lote at bahay para sa kanilang bata’t nagsisimulang pamilya. Natatandaan ko pa kung gaano ako kasaya nung mga panahon na ‘yon. May tatlo kaming aso at lahat sila’y binibilhan ng gatas ni Papa. Nakikihalo sa kanila ang aming Pusa na galing pa sa States na pinadala ni Lola ngunit di sila nagaaway. May bakuran kami na punong puno ng magagandang bulaklak at halaman. Malaki ang loteng iyon. Dalawa ang TV namin at mayroon din kaming Kotse na binili ni Papa sa kanyang sariling ipon. Sa Maynila may maliit rin kaming apartment na inuupahan. Naaalala ko pa ang oven namin na ginagamit nila sa pagluto ng masarap na ulam. Sa Maynila ako unang nagaral sa isang Private school. Magaling at madiskarte ang aking Papa.
Nagsilbi sa Militar ang aking Papa. Doon niya ibinahagi ang kabutihang asal na kanya ring itinuturo sa akin. Hirap raw siyang makisama sa mga kapwa niya sundalo dahil gusto nilang gawin siyang masamang tao at patuloy naman siyang tumatanggi. Binibigyan kasi siya ng babae at hindi siya makagawa ng kasalanan sa aking Mama. Tinuturuan pa siyang magsugal at sumali sa masasamang bisyo at trabahong illegal. Kumalas siya agad dito upang makapaghanap ng ibang pagkakakitaan na hindi siya nakokonsensya sa ginagawa. Nasa States na ang Mama sa panahon na ‘yon at ako’y Siyam na taong gulang na. Pinapadalhan kami ni Mama ng mga chocolates, laruan at mga damit. Parating alimango, sugpo, turkey, fried chicken, mansanas, at salad ang laman ng mesa at ref namin. Si Papa ay nakahanap ng trabaho bilang isang salesman. Sa kanyang trabaho nagkaroon ng isang hindi inaasahang aksidente. Nabunggo ang minamaneho niyang motorsiklo sa isang bakod na bakal. Dahil sa aksidenteng ito, napilitang umuwi si Mama sa Pilipinas. Pinagalitan siya ng kanyang magulang dahil raw bakit kailangang siya ang gumastos sa aksidente. Wala silang malasakit sa mabuti kong Papa kahit na kailan pa man hindi siya nagpakita ng sama ng loob sa kanyang mga biyenan. Malaki laki na rin kasi ang naipon ni Mama galing sa states. Sa Hospital ko nakita kung gaano katindi ang kanilang pagmamahalan. Hindi mo maiitutulad sa kahit ano ang pagmamahalang nakita ng aking mga mata. Hindi natutulog si Mama at kahit kaming dalawa lamang ang nasa hospital pilit niya akong nililibang. Mahal ni Papa si Mama. Isang linggo lamang matapos ang aksidente sa kanyang motorsiklo, nabunggo ng aking tiyuhin na kapatid ni Mama ang aming kotse. Hindi siya ang naaksidente sapagkat pinagamit lamang niya ito sa iba, ngunit iniwan niya kami at umalis sa ibang bansa. Dinalhan ni papa si Mama ng mga bulaklak na binili niya sa mamahaling flower shop upang mapakalma ito sa sitwasyon. Dito ko siya unang naaalalang hirap nang maglakad at unang beses niyang gumamit ng tungkod bilang suporta sa kanyang mahinang paa na gawa ng aksidente sa motorsiklo. Si Mama kasi ay galit na galit noong mga panahon na ‘yon. Doon ko lamang siya nakitang nagalit. Ngunit kahit ano pa man ang kanilang abuting problema, sila’y sumasaya dahil kami’y magkakasama. Kung pwede lang, gusto kong ibalik ang pagsasama-sama namin sa isang lamesa tuwing gabi. Naaalala ko, isang gabi na umuulan at kaming tatlo ay nasa lamesa at nagkwekwentuhan ng nakakatakot. Tuwing gabi rin binabasahan nila ako ng story book. Binabasa ni Mama sa akin ang kwento ng mga Santo hanggang sa abutan ako ng antok. May aircon ang kwarto ko noong bata pa ako. Kinukumutan naman ako ni Papa tuwing giniginaw ako. Sila ang aking inspirasyon sa aking buhay.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home